Nasa 40 opisyal at kawani sa iba’t ibang departamento ng Bureau of Customs (BOC) ang patuloy na sumusuweldo sa kawanihan kahit na noong Disyembre 2014 pa napaso ang kani-kanilang kontrata.

Ito ang nakasaad sa dalawang-pahinang memorandum ng Commission on Audit (COA) kay Customs Commissioner John P. Sevilla na kumukuwestiyon sa pagkakatalaga sa mga opisyal at kawani ng ilang departamento ng BOC.

“The allowable duration of only a maximum period of one year has expired for 30 out of the 53 officials and employees detailed to the BOC as of December 31, 2014,” saad sa memo ng COA na nilagdaan nina State Auditors Miguela Baon at Maria Theresa Yambao.

Ayon sa komisyon, sa kasalukuyan ay may 10 pang empleyado ang napaso na ang kontrata sa BOC nitong Enero 31, 2015.

National

Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69

Sinabi ng COA na labag ito sa Section 2 ng Civil Service Commission (CSC) Memorandum Circular No. 21 s. 2002, na nagsasaad na, “exceedingly rendered government service at BOC without authority.”

Alinsunod sa nasabing memo circular, ang panahon ng trabaho ay dapat na tumagal lang ng pinakamahaba na ang isang taon pero maaari itong palawigin kung pahihintulutan ng empleyado.

Anang memo, ang “extension or renewal for the period of detail shall be within the authority of the mother agency.”

Sumailalim ang BOC sa top-to-bottom reorganization simula noong Nobyembre 2013 bilang bahagi ng mga reporma sa kawanihan upang mapasigla ang koleksiyon at masawata ang smuggling sa bansa.

May mga retiradong opisyal ng militar at kawani ng iba pang ahensiya ng gobyerno na nakatalaga sa BOC, na pumalit sa mga Customs career personnel na inilipat sa Customs Policy and Research Office (CPRO) sa ilalim ng Department of Finance (DOF).

Noong nakaraang taon, ni-renew ng DOF ang mga kontrata ng mga dating heneral, para maipagpatuloy ng mga ito ang kani-kanilang trabaho sa BOC bilang mga acting port collector.

Gayunman, batay sa impormasyon mula sa Human Resources Management Division (HRMD) ng BOC ay nabatid ng COA na 40 pang ibang opisyal at kawani ng kawanihan ang walang “extension or renewal for the period of detail” na inisyu sa kanila.

Ito ay sina Sergeant Edward Rey Eva, Captain Edmund Lanzar, Commander Peter Jempsun De Guzman, Corporals Eddie Ballesteros at Bernabe Ortiz, Atty. Kridel Balgomera, Sally Carpio, at Belma Martinez.

Gayundin sina Ltc. Ronald Jess Alcudia, Earl Marie Baysa, Carmelo Nicolas, Greg Pineda, Richard Uy, Joey Rodriguez, Jesus Dimpna Lejos, Cristina Macasaquit, Angelica Sarmiento, Joseph Peralta, at iba pa.

Ayon sa COA, ang pananatili sa BOC ng nasabing mga opisyal at kawani ay walang legal na basehan dahil lampas na sila sa maximum na isang taon.

“They are rendering government service at BOC without any authority and such would be questionable in so far as payment of those receiving salary from BOC and from their mother agencies,” anang COA.