MAAGANG dumating si Ogie Alcasid sa press launch ng bago niyang TV show sa TV5, ang singing search na Rising Stars Philippines kaya nakakuwentuhan siya nang matagal-tagal ng entertainment press.
Hiningan siya ng comment sa pagbabalik ni Sharon Cuneta sa ABS-CBN, as a judge ng Your Face Sounds Familiar.
“Nami-miss ko si Sharon at ang iba ko pang nakasama sa shows ko sa TV5,” sabi ni Ogie. “Like kami ni Sharon, may mga fond memories ako sa kanya nang mag-host kami ng The Megastar and The Songwriter. Nakakalungkot na hindi na kami nagkita after umalis na siya sa TV5 pero may communication kami sa Facebook. Wish ko lamang makagawa pa siya ng movies at mag-record siya muli ng album. Mahusay na artista si Sharon pero ang mundo niya talaga ay sa music, iba talaga kapag kumakanta siya.”
Sa presscon proper, inamin ni Ogie na naiiba ang pagho-host niya ng bagong singing search ng TV5 kaysa mga una niyang nai-host noon.
“First time kong sumama sa provincial auditions, although hindi lahat ng 20 cities na pinuntahan ng production staff headed by Andrew Gonczi, CEO ng Rising Stars Asia na co-producer ng TV5, ay sumama ako. Speechless ako kapag narinig ko ang mahuhusay na pag-awit ng contestants, very raw ng talents nila pero puwedeng mabigyan ng pagkakataong sumikat. Sila iyong contestants na hindi pa napanood sa alinmang talent shows ng GMA-7 at ABS-CBN.
“Naniniwala akong makakakuha kami ng isang mahusay na mananalo ng P500,000 in cash at siya at ang dalawa pang mapipili na tatanggap ng P250,000 at P 100,000 each ay p’wedeng mag-go see sa office ng Rising Star Asia based in Hong Kong.”
Pero may twist ang contest dahil kahit napili na nila ang 12 finalists, kung may kilala raw ang entertainment press na may maganda ring boses na hindi pa nakakasali ng singing contests na napanood na, puwede pa silang sumali at kalabanin ang finalists. May online audition uli sila sa March 28 & 29 at ang mapipili ay makaka-join na sa live telecast nila simula sa April, at tatanggap din sila ng cash prizes.
Co-host ni Ogie Venus Raj, na bukod sa maganda ring kumanta ay tutulong sa contestants na magkaroon ng confidence through competition; singer and dancer Mico Aytona. Judges naman sina Nina, Jimmy Bondoc at Papa Jack.
Mapanood na simula sa Sabado, March 14 ang Rising Stars Philippines at tuwing Linggo rin, 9:00 PM pagkatapos ng PBA. Tatagal ang show ng ten weeks, 19 episodes at ang grand night ay sa May 17.