Nina JUN FABON at CZARINA NICOLE ONG

Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operator ng limang taxi unit na hinuli ng ahensiya makaraang mapatunayan na hindi sumunod ang mga ito sa direktibang bawasan ng P10 ang flagdown rate ng taxi.

Kabilang sa mga inireklamo sa hindi pagpapatupad sa mas mababang flagdown rate ay ang Yellow Dragon taxi, Tuasco taxi, Nine Star taxi at ang dalawang taxi na may plakang TYV-299 at AYS-494.

Sinabi ni LTFRB Chairman Winston Ginez na padadalhan ng ahensiya ng show cause order ang naturang mga taxi operator upang magpaliwanag sa hindi pagsunod sa P10 bawas sa flagdown rate sa taxi sa buong bansa.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Aniya, kumilos ang LTFRB kasunod ng pagdagsa ng mga reklamo sa Twitter account ng ahensiya kaugnay ng bawas-pasahe sa taxi.

Kapag nagkataon, sususpendihin ng ahensiya ang mga nahuling unit, gayundin ang lisensiya ng driver nito.

Inamin din kahapon ng LTFRB na hindi lahat ng taxi driver at operator ay tumatalima sa provisional P10 rollback sa flagdown rate ng lahat ng taxi.

Mula sa P40, dapat ay P30 na lang ang flagdown rate sa mga regular na taxi at P60 na lang ang dating P70 na flagdown sa mga airport taxi.

Sa isinagawang inspeksiyon, sinabi ni Ginez na natuklasan ng LTFRB na may mga driver pa rin na matitigas ang ulo at iginigiit ang dating flagdown rate.

Sinabi ni Ginez na ang mga driver na nanghihingi ng ekstrang singil o itinuturing nang tip ang P10 ibabawas sana sa pasahe kaugnay ng bagong flagdown rate ay maituturing na “contracting or overcharging”.

Kaugnay nito, muling hinimok ng LTFRB Chairman ang publiko na maging alerto at i-report sa ahensiya ang mga pasaway na taxi operator. Sinabi ng LTFRB na maaaring magsuplong ang mga pasahero sa hotline na 426-2515 o sa cell phone number na 0921-4487777.