Idineklara ng Korte Suprema na pinal na ang pagbabasura sa disqualification case na inihain laban sa dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Sinabi ni Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te, ibinasura ng Kataastaasang Hukuman ang motion for reconsideration na inihain ni Manila Mayor Alfredo Lim sa idinaos na full court session kahapon.

Una rito, ibinasura ng SC sa botong 13-0 ang disqualification case laban kay Estrada base sa ipinagkaloob ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na “absolute pardon” kay Erap noong 2007 matapos siya sintensiyahan sa kasong plunder.

“Mr. Estrada’s acceptance of the absolute pardon removed the disqualifications arising under Section 40 of the Local Government Code in relation to Section 12 of the Omnibus Election Code,” ayon sa desisyon na isinulat ni Justice Teresita Leonardo de Castro.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Nakasaad sa Section 40 ng Local Government Code, ipinagbabawal sa sino mang nasintensiyahan na tumakbo sa ano mang posisyon sa gobyerno “by final judgment for an offense involving moral turpitude or for an offense punishable by one year or more of imprisonment.”

Ang disqualification case laban kay Erap ay inihain ni Atty. Alicia Risos Vidal bago pumasok sa eksena si Lim at naghain ng kanyang sariling disqualification case.

Si Lim ay tinalo ni Estrada sa mayoralty race sa Maynila noong 2013 elections. - Rey G. Panaligan