Sa ikalawang sunod na taon, nakamit ng College of St. Benilde (CSB) ang overall NCAA championship sa seniors division habang nakopo naman ng San Beda College (SBC) ang kanilang ikalimang sunod na general championship sa high school level.

Dalawang event lamang ang napanalunan ng Blazers, ang men’s table tennis at men’s beach volleyball, ngunit bumawi sila sa pamamagitan ng pagsalansan ng puntos tungo sa pagtatapos na runner-up sa men’s at women’s swimming, women’s taekwondo, women’s table tennis, men’s volleyball at third naman sa chess, women’s volleyball, football at soft tennis.

Nakatipon ang St. Benilde ng kabuuang 660 puntos upang ungusan ang pinakamatinding katunggali na San Beda na nabigong makakuha ng puntos sa men’s at women’s beach volleyball at sa athletics kung saan ay tumapos sila na pinakahuli.

Sumunod naman sa kanila ang Arellano University (AU) at Emilio Aguinaldo College (EAC) na pumangatlo at pumang-apat, ayon sa pagkakasunod.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nakatipon ang San Beda ng kabuuang 568.5 puntos na galing sa kanilang naging panalo sa basketball, men’s at women’s swimming, men’s at women’s taekwondo, women’s table tennis, football at soft tennis.

Sa juniors division naman sila bumawi matapos na makatipon ng 400 puntos at talunin ang CSB La Salle Greenhills na mayroon lamang 322.5 puntos.

Sumunod naman sa kanila ang Letran, EAC at San Sebastian bilang na sa ikatlo hanggang ikalima, ayon sa pagkakasunod.

Nagkampeon ang Cubs sa basketball, table tennis at lawn tennis at pumangalawa sa swimming, badminton at football at pumangatlo sa chess at taekwondo.