Pangalawa ito sa isang serye. - Ang mga piyesta ay isang bahagi ng kulturang Pilipino. Sa ganitong mga pagdiriwang, karaniwang dumadagsa ang mga panauhin, na mga kamag-anak o kaibigan ng mga may kapistahan, mula sa mga karatig-lugar at kung minsan ay mula sa malalayong bayan. Ngayon, maraming pinuno ng mga lokal na pamahalaan na may malayong pananaw ang gumagamit ng kapistahan upang isulong ang ekonomiya ng kanilang bayan. Pinalalaki nila ang pagdiriwang at ginagawang mas kaakit-akit maging sa mga turista.

Nararapat lamang na kilalanin ang mga lokal na pamahalaan at ang kanilang mga opisyal na ginagawang tourist attraction ang kanilang mga kapistahan. Ito ang tinatawag na domestic tourism, na mabilis ang pagsulong kaysa sa pagdating ng mga turista mula sa ibang bansa. Noong 2014, tinatayang 47 milyong Pilipino ang dumalaw o nagbakasyon sa mga magagandang destinasyon, kabilang na ang mga festival, sa Pilipinas. Ang bilang na ito ay mataas ng walong porsyento kaysa sa 44.1 milyong domestic tourists noong 2013, ayon sa mga ulat mula sa Kagawaran ng Turismo. Sa kabilang dako, ang mga dayuhang turista ay umabot ng 4.83 milyon noong isang taon, mataas lamang ng 3.25 porsyento kaysa sa 4.68 milyon noong 2013.

Ang domestic tourism ay kumita ng P1.4 trilyon noong 2014, samantalang ang kinita mula sa mga dayuhang turista ay umabot lamang sa P214.88 bilyon. Sa aking pananaw, ang pagbabago sa kaisipan ng mga Pilipino ay may malaking bahagi sa pagsulong ng domestic tourism. Nakikita na nila ngayon na ang mga lokal na destinasyon ay mas magaganda at kaakit-akit kaysa sa ibang bansa. Sa halip na Hong Kong, pinipili nila na maglakbay sa Davao, Cebu, Cagayan de Oro, Iloilo, Boracay, Palawan, Siargao at iba pang lugar na kinikilala na sa buong daigdig, dinarayo na rin ng mga lokal na turista ang mga festival sa iba’t ibang bayan. Malaki rin ang naitutulong ng imprastrakura sa pagpapaunlad ng turismo. Halimbawa, nakikita ko ang muling pagkabuhay ng Baguio bilang pangunahing destinasyon dahil sa pagbubukas ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) dahil pinaikli nito ang oras ng paglalakbay mula sa Maynila – mula sa pito o higit pang oras hanggang sa apat na oras. Pinalalakas din ng domestic tourism ang sektor ng akomodasyon o hotel. Ayon sa Colliers International, 2,038 silid ng mga hotel ay binuksan sa Metro Manila noong 2014, kaya umabot ang kabuuang bilang sa 19,373 silid. Inaasahan ng Colliers na maragdagan pa ito ng 3,580 silid taon-taon sa susunod na apat na taon.

(Durugtungan)

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros