GENERAL SANTOS CITY – Umaapela sa gobyerno ang pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na binitay nitong Lunes sa pagpatay sa kanyang amo sa Riyadh, Saudi Arabia, na pagkalooban ng scholarship ang apat na anak ng OFW.
Nanawagan sa gobyerno si Marlene Esteva, asawa ni Joven Esteva, na tulungan siya sa pagpapaaral sa apat nilang anak. Taga-Koronadal City, South Cotabato ang pamilya Esteva.
Si Esteva, na hinatulan sa pagpatay sa kanyang amo noong 2007, ay binitay nitong Lunes sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sinabi ni Marlene na nakausap pa niya nitong Lunes ng umaga ang kanyang asawa at wala itong nabanggit na isasagawa na ang pagbitay ng hapon na iyon.
Inilarawan ang mister na napakabait, sinabi ni Marlene na sa isa sa mga pag-uusap nila sa telepono noong nakaraang buwan ay sinabi ng kanyang asawa na posible itong mabitay dahil sa pagpatay sa amo nito at pagkakasugat ng anak ng huli.
Aniya, nagkaroon lang ng hindi pagkakaunawaan ang kanyang asawa at ang amo nito nang tinutulan ng employer ang plano ng OFW na umuwi sa Pilipinas.
“Nalungkot ang mga anak ko nang malamang binitay na ang Papa nila sa Saudi Arabia,” kuwento ni Marlene.
Aniya, bineberipika pa nila kung agad na nailibing ang labi ng kanyang asawa, na isang Islam convert.
Tahanan para sa may isang milyong Pinoy, ipinatutupad ng Saudi Arabia ang Shari’a Law na nagpapatupad ng death penalty sa iba’t ibang pagkakasala, gaya ng immorality, murder, sorcery, rape, at drug offenses. Karamihan sa hinahatulan ay pinupugutan. (Joseph Jubelag)