Magsasagawa ang Commission on Elections (Comelec) ng panibagong bidding para sa mga uupahang election machine na gagamitin sa 2016 presidential elections.

Ito ay kasunod ng pagkabigo ng unang bidding na idinaos ng poll body.

Ayon sa Comelec, ang rebidding ay para sa uupahang 23,000 unit ng Optical Mark Reader (OMR) na nagkakahalaga ng P2.5 bilyon, at 410 Direct Recording Electronic (DRE) technology na nagkakahalaga ng mahigit P31.2 milyon.

Matatandaang una nang nagdeklara ang Comelec ng failure of bidding sa nasabing kontrata matapos na mabigo ang Smartmatic-TIM at Indra Sistemas na makausad sa second stage ng proseso.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nakasaad sa magkahiwalay na invitation to bid na ang bidding document ay maaari nang makuha ng mga interesadong bidder hanggang sa Marso 30, 2015, Lunes hanggang Sabado, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Itinakda ng poll body ang pre-bid conference sa Marso 16, 2015 sa Comelec Session Hall sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila.

Ang deadline sa pagsusumite ng bidding documents ay itinakda sa Marso 30, 2015 bago mag-9:00 ng umaga habang ang “opening of bids” ay sa kaparehong petsa, 10:00 ng umaga sa Comelec Session Hall.

Ibinasura na rin ng Comelec ang apela ng mga diniskuwalipikang bidder, na humihiling na payagan silang lumahok muli sa ikalawang bidding ngunit kinakailangan nila munang magsumite ng panibagong bid offer.