Ang chairman ng MILF ay humihingi na rin ng hiwalay at malayang imbestigasyon sa nangyari sa Mamasapano. Nauna sa kanya ay si AFP Chief of Staff Gen. Catapang. Hindi ko alam kung anong direksiyon ang tinutungo ng dalawa, pero ang maliwanag ay hindi sila kuntento sa mga imbestigasyong isinasagawa ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Kaya anuman ang kalabasan ng imbestigasyon isinasagawa ng kongreso, PNP Board of Injuiry, Human Rights Commission, Department of Justice at iba pa ay maaaring hindi katanggap-tanggap sa kanila. Katunayan nga, ang MILF ay gumagawa rin ng sariling imbestigasyon at ang magiging bunga nito ay isusumite raw nila sa International Court of Justice.
Ang nakikita ko sa pagnanais nina Catapang at MILF chairman na magkaroon ng hiwalay at malayang imbestigasyon ay mayroon silang alam na mga mahalagang bagay na hindi puwedeng pakialaman ng mga nag-iimbestiga na. Ang mahalagang bagay na ito ay ayaw naman nila sa kanila magmula. Nais nilang mapalabas ito sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon ng isang malaya at matapang na imbestigador na walang kinikilingan at kinatatakutan. Ang bagay na ito ay mahalaga dahil dito nakabaon ang katotohanan at maaaring mga makapangyarihan ang masasaktan kung ito ay mahahalukay.
Sa mga imbestigasyon nagaganap o naganap na, bagamat wala pang pormal na resulta ang mga ito, umabot na sa Pangulo ang responsibilidad sa nangyari sa SAF 44. Kaya nga, may nanawagan na sa Pangulo na aminin na ito. Pero hindi ito ang dulo ng katotohanan. Kapag umamin na ang Pangulo ay matutuldukan na ito. Maiiwang nakatiwangwang ang mga katanungan bakit nangahas ang Pangulo na isalya ang operasyon sa pamumuno ng suspendidong opisyal? Bakit ginawa niya ito ng walang koordinasyon sa mga sundalong naroroon na sa lugar? Mayroon bang nagsubo sa kanya at nagtraydor? Masagot lang ito alam na natin kung sino ito kahit hindi niya sabihin.