“Dapat ay may sariling kakayahan ang mga lokal na pamahalaan na makabili ng sarili nilang breath analyzer, tulad ng Quezon City at Makati.”

Ito ang iginiit ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na nagsabing hindi sapat ang 150 unit ng breath analyzer ng ahensiya upang epektibong maipatupad ang RA 10586 o ang Act Penalizing Persons Driving Under the Influence of Alchohol, Dangerous Drugs and Other Similar Substances.

Sinabi ni Tolentino na makikipagtulungan ang piling MMDA traffic constable sa Land Transportation Office (LTO) sa pagpapatupad ng batas laban sa drunk driving sa Metro Manila.

Aniya, 92 MMDA traffic constable ang sasailalim sa refresher training ngayong Marso 10 sa pagpapatupad ng RA 10586.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

At simula sa Marso 12 ay sisimulan ulit ng LTO ang paggamit ng alcohol breath analyzer test sa mga motorista na pinaniniwalaang nagmamaneho habang nasa impluwensiya ng alak.

“We are ready to help the Land Transportation Office. The training just is an upgrading of the traffic enforcers’ skills since they are already familiarized with the use of breath analyzers,” ani Tolentino.

Sa pamamagitan ng breath analyzer, matutukoy ang blood alcohol concentration (BAC) ng isang taong pinagsusupetsahang nasa impluwensiya ng alak.

Sa ilalim ng RA 10586, ang mga driver na nakasakit ng iba dahil sa pagmamaneho ng lasing ay pagmumultahin ng P20,000 hanggang P80,000 at maaaring makulong ng tatlong buwan.

Samantala, ang mga lasing na driver na nakapatay ng biktima ay mahaharap sa 20 taong pagkakakulong at pagmumultahin ng mula P300,000 hanggang P500,000.