IBINALITA sa Umagang Kayganda kahapon na lumabas na sa Asian Hospital and Medical Center si Jolo Revilla at tuluyan nang nagpapagaling sa bahay.
Ibig sabihin, papunta na sa full recovery ang aktor-pulitiko pagkatapos magkaroon ng freak accident at nabaril ang sarili sa kanilang bahay sa Alabang, dalawang Sabado na ang nakararaan.
Ayon sa mga kaanak ni Jolo at sa spokesman ng pamilya na si Atty. Raymond Fortun, nakatulong nang malaki ang pagbisita ng kanyang amang si Sen. Bong Revilla na nakakulong ngayon sa Camp Crame, para kumustahin ang kalagayan ng anak.
Matatandaan na pinayagan ng Sandiganbayan si Bong na makadalaw sa anak na kritikal pa noong mga oras na iyon.
Kung malaking tulong ang pahaharap ng mag-ama sa ospital, ipinagpapalagay ding nakabuti ang presence at pag-aalaga ni Jodi Sta. Maria sa kanyang hospital bed gaya ng pagpapakain at pagpapainom ng gamot.
“Malaking tulong talaga si Jodi kasi katulad kanina, ang nagpapakain sa kanya si Jodi. In fairness talaga si Jodi pa talaga ‘yung naglilinis ng benda niya,” salaysay ni Lolit Solis, talent manager ni Jolo at ng mga Revilla sa isang taped interview sa The Buzz last Sunday.
“Malaking bagay kasi siyempre mahal naman niya si Jodi so baka ‘yung pagmamahal ni Jodi makatulong sa kanya,” dagdag pa ni Manay Lolit.
Sa isang banda, kahit sabihin pang on-guard ang actress-GF ni Jolo sa kanya sa ospital, may nagpapakalat naman ng tsismis na hiwalay na ang dalawa.
Pero saksi raw si Atty. Fortun sa pagpapahalaga ng aktres sa boyfriend at aniya’y walang katotohanan na wala na silang relasyon.
“Hindi po sila split ni Jodi. Nakikita ko talaga at sobra pong nagmamahalan ang dalawa,” ayon sa spokesman ng pamilya Revilla.
Pinabulaanan din ito mismo ni Jolo at ayon sa bise gobernador ng Cavite, laging nasa kanyang tabi si Jodi simula nang mangyari ang aksidente.
“Umaga’t gabi nandodoon si Jodi,” dagdag pa ni Atty. Fortun, “I’m pretty sure nakapag-boost talaga ito sa morale ni Jolo para talagang lumakas na siya at hopefully makalabas sa lalong madaling panahon.”
Na siya na ngang development kahapon.