Mga laro ngayon:

(Ynares Sports Center)

4:15 pm Blackwater vs. Alaska

7:15 pm Barangay Ginebra vs. NLEX

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Makamit ang ikalimang panalo na mag-aangat sa kanila sa ikatlong puwesto, kasalo ang defending champion Purefoods Star, ang tatangkain ng crowd favorite na Barangay Ginebra sa pagsalang nila kontra sa NLEX sa pagpapatuloy ngayon ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Kasalukuyang nasa ikaapat na posisyon ang Gin Kings na taglay ang barahang 4-3 (panalo-talo), isang panalo ang pagkaka-iwan sa pumangatlong Purefoods.

Kababalik pa lamang ng Kings sa winning track noong nakaraang Pebrero 25 kontra sa Blackwater sa iskor na 89-82.

Sa kabilang dako, ikatlong sunod na panalo na magdadala naman sa kanila sa ikaapat na puwesto, kasalo ang Barako Bull at Globalport na may barahang 4-4 (panalo-talo), ang susubukang maiahon ng NLEX.

Umangat ang Road Warriors sa barahang 3-4 (panalo-talo) matapos gapiin ang San Miguel Beer at Meralco sa nakaraang dalawa nilang laro bago ang All-Star Weekend break.

Una rito, target naman ng expansion team na Blackwater na maitala ang unang back-to-back win sa pagsalang nila kontra sa Alaska na tiyak namang magpipilit na makaahon sa kinasadlakang tatlong sunod na kabiguan sa pagtitipan nila sa ganap na alas-4:15 ng hapon.

Naiposte ng Elite ang ikalawang panalo sa walong laro noong nakaraang Pebrero 28 matapos biguin ang kapwa expansion team na Kia, 115-104, sa pamumuno nina Marcus Douthit at playmaker Brian Heruela sa FIl-Oil Flying V Arena sa San Juan City.

Bumagsak naman ang Aces sa solong ikapitong puwesto na hawak ang kartadang 2-5 (panalo-talo) makaraang nakatikim ng tatlong dikit na pagkabigo, ang pinakahuli ay noong Marso 3 sa kamay ng Kia.