Kinumpleto ng Far Eastern University (FEU) ang isa na namang pambihirang sweep matapos angkinin ang lahat ng titulo sa tatlong divisions ng UAAP Season 77 football tournament.

Ginapi ng Tamaraws ang De La Salle University (DLSU), 3-2, sa kanilang finals match na ginanap sa Rizal Memorial Track and Football field para makumpleto ang 3-championship sweep.

“Ito na ‘yung pinaka-best na game ko sa UAAP,” pahayag ng Season MVP na si Jess Meliza na siyang nagpatabla sa laro sa 2-all sa pamamagitan ng kanyang goal sa 83rd minute bago ang winning goal sa extra time ni last season MVP Paolo Bugas na naglaro sa ikatlong pagkakataon para sa Tamaraws matapos magbalik mula sa knee injury.

Una rito, unang umiskor ang La Salle sa pamamagitan ni Gio Diamante sa 59th minute bago naitabla ni Eric Giganto ang laro para sa FEU sa 72nd minute.

National

Hontiveros, binuweltahan ‘budol’ remark ni Villanueva hinggil sa Adolescent Pregnancy Bill

Muling lumamang ang La Salle matapos ang goal ni Sabin Bustamante sa 81st minute bago naka-goal si Meliza makalipas ang 2 minuto.

Tinalo muna ng FEU ang University of the Philippines (UP), 2-1, upang maangkin ang kanilang ikatlong sunod na titulo sa women’s division.

Nakapagtala ng goals para sa Lady Tamaraws ang tinanghal na Season MVP na si Alesa Dolino at si Ina Araneta na huling naka-goal para sa FEU sa 67th minute.

“Sobrang saya kasi first time namin na nanalo ng tatlong sunod. Kahit noong naglalaro pa ko, ‘di kami nakaranas ng 3-peat,” ayon kay FEU coach Let Dimzon.

Nauna nang nagwagi ang FEU juniors squad nang pataubin ang Ateneo, 2-1, sa pamamagitan ng go-ahead goal ni Joseph Arranquez sa kalagitnaan ng second half.

Nakaiwas naman sa shutout loss ang Lady Maroons nang makuhang maka-goal ni Marie Naresa Huff sa pamamagitan ng spot kick sa stoppage time.