Pinahintulutan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC), na naglilitis sa Maguindanao Massacre case, na makapaglagak ng piyansa si dating provincial officer-in-charge Sajid Islam Ampatuan, isa sa mga akusado sa karumal-dumal na pagpatay sa 58 katao noong Nobyembre 2009.
Ito ay matapos ibasura ni Judge Jocelyn Solis-Reyes, ng QC-RTC Branch 221, ang apela ng prosekusyon na payagang makapagpiyansa si Ampatuan, anak ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at kapatid ni dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.
Ang mag-amang Ampatuan ay kasalukuyang nakadetine sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City matapos ituro bilang utak sa pamamaslang sa 58 katao, kabilang ang 30 mamamahayag.
Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Gregorio Marquez, naglagak si Sajid ng surety bond na nagkakahalaga ng P11.6 milyon para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Subalit epektibo pa rin ang hold-departure order na inilabas ng korte laban kay Sajid kaya hindi siya makalalabas ng bansa habang nililitis sa kasong multiple murder.
Si Sajid ang unang suspek sa Maguindanao massacre na pinayagang makapagpiyansa ng korte.
“For the court, the mere presence of the accused during the meetings, albeit the argument that he occupied a government position, does not… translate to a conclusion of a strong evidence of guilt,” saad sa limang-pahinang desisyon ni Solis.
Ayon sa prosekusyon, si Sajid ang tumatayong officer-in-charge ng Maguindanao nang mangyari ang pamamaslang noong Nobyembre 23, 2009.
Subalit iginiit ng abogado ng depensa na nagtapos ang termino ni Sahid bilang OIC ng Maguindanao isang buwan bago ang krimen.