Pitong miyembro ng Philippine National Police- Regional Public Safety Batallion (PNP-RPSB) ang sugatan makaraang masabugan ng landmine at paulanan ng bala ng may 200 kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Palacapao, Quezon, Bukidnon kahapon ng madaling araw.
Naganap ang insidente nang magresponde ang mga pulis matapos ang ulat na may pitong cargo na papuntang Davao ang hinarang ng mga rebelde sa Barangay Palacapao, Quezon.
Sinabi ni Insp. Jisselle Longgakit, tagapagsalita ng Bukidnon Provincial Police Office (BPPO), nasa ligtas na kalagayan ang mga biktimang kinilalang sina PO1 Junel Macabinlar, Quilombi Alumpines, Lou Tagalurang, Gerald Bob Colita, Ryaian Nera, Roy Pepito, at Hermie Alabe.
Ayon kay Longgakit, tinangka ng mga biktima na maabutan ang mga rebelde sa lugar subalit hindi pa man sila nakarating ay nasabugan na sila ng landmine at agad pinaulanan ng bala.
Sa kainitan ng bakbakan, tumawag ng reinforcement ang pitong pulis kaya agad na nagdatingan ang tropa ng militar subalit nakatakas ang mga rebelde mula sa lugar.