Inaalam ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkakakilanlan ng 13 tripulanteng Pinoy na kabilang sa 49 crew ng nawawalang Taiwanese fishing vessel sa South Atlantic Ocean.

Ayon kay DFA Spokesperson Charles Jose, nagsasagawa na ng search and rescue operation ang gobyerno ng Taiwan para hanapin ang buong crew, na kinabibilangan ng Taiwanese skipper at chief engineer, 11 Chinese, 21 Indonesian, 13 Pinoy at dalawang Vietnamese, na sakay ng naglahong Hsiang Fu Chun vessel.

Humingi na rin umano ng ayuda ang Taiwan sa Argentina at Chile sa ikinasang paghahanap sa barko at sa mga tripulanteng lulan nito.

Nakikipag-ugnayan ang DFA sa employer ng mga Pinoy at nakatutok din sa nasabing operasyon ang Taiwanese authorities.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dakong 3:00 ng umaga nitong Pebrero 26 nang inulat ng mga tripulante ang pagtagas ng tubig sa deck ng Hsiang Fu Chun hanggang sa nawalan na ng contact ang barko nang hindi man lang nakapagpadala ng mayday call o signal.

Batay sa satellite data, naglalayag ang barko sa tinatayang mahigit 3,100 kilometrong layo mula sa Falkland Islands nang maglaho ito.

Sinabi ni Taiwanese Fisheries Agency Spokesman Huang Hong-yen na walang ebidensiya na nagtuturong lumubog ang barko at tiniyak na nagpapatuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng gobyerno ng Taiwan sa naturang lugar.

Ang South Atlantic Ocena ay tradisyunal na pangisdaan ng mga Taiwanese fishing vessel at aabot sa mahigit 100 barko ang nagtutungo sa nasabing dagat kada taon.