Determinado ang gobyerno na maisulong ang kaso kaugnay ng engkuwentro sa Mamasapano at magkaloob ng hustisya para sa 44 na napatay na police commando kahit walang tulong ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sinabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles na ihahain pa rin ng awtoridad ang mga kaso sa mga korte sa bansa sa kabila ng ulat na hindi ibibigay ng MILF sa gobyerno ang kumpletong inquiry report nito sa Mamasapano incident.

Napaulat na plano ng MILF na executive summary lang ng inquiry report nito ang isumite sa gobyerno ng Pilipinas dahil ang buong report ay ibibigay nito sa Malaysia.

“The reality is that the power of and responsibility for law enforcement belongs solely to the government,” saad sa pahayag ni Deles na ipinarating sa media ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Government of the Philippines through DoJ (Department of Justice) will do case build-up and pursue justice through Philippine courts based on its own findings. Justice will be pursued with or without MILF inputs,” ani Deles.

Gayunman, naiintindihan ni Deles na bahagi ng protocol ang pagbabahagi ng MILF ng inquiry report nito sa Malaysia.

Samantala, tiniyak ng Palasyo na papanagutin ang sinumang responsable sa engkuwentro sa Mamasapano na nagresulta sa pagkamatay ng 44 na operatiba ng Special Action Force (SAF).

“Sisiguruhin po ng pamahalaan ‘yung paggawad ng ganap na katarungan, at ayon nga po sa ating sistemang sinusunod at tinataguyod, ang simbolo po ng katarungan sa ating bansa ay isang babaeng nakapiring,” ani Coloma. “Wala po itong kinikilala at walang sinisino, basta po kailangang lumitaw ang katotohanan at magawaran ng katarungan ang ating mga SAF 44 trooper.”

Una nang itinakdang isumite ngayong Lunes ang inquiry report ng Board of Inquiry (BOI) ng pulisya, pero napaulat na humingi ng isa pang linggo si BOI head Director Benjamin Magalong para mas masusing pag-aralan ang dokumento. (Genalyn D. Kabiling)