BUNGA NG DONASYON ● Dahil sa donasyong mga libro, partikular na ang encyclopedia, isang batang mag-aaral ng Galalan Elementary School sa Bgy. Galalan, Pangil, Laguna ang nagtamo ng karangalan sa Science Quiz. Malaki ang naitulong ng naturang mga libro sa pag-aaral ni Eunice Mae Garcia, Grade 3 pupil ng naturang public school.

Ayon na rin sa kanyang adviser na si Ms. Marieta A. Sycip, ginamit ni Eunice Mae ang mga librong ipinagkaloob ng Pugad Lawin Phils. Inc. (PLPI) bilang paghahanda sa naturang paligsahan ng talino noong nakaraang taon. Nasungkit ni Eunice Mae ang unang puwesto sa District Science Quiz Bee na idinaos sa Banilum Elementary School sa Pakil, Laguna. Ani Ms. Rhoda R. Villanueva, punong guro ng Galalan ES, na nakatulong nang husto ang mga donasyong libro at iba pang materyales at sinabi rin niya na nasungkit naman ni Lady Angeline Ramos ang ikatlong puwesto sa Sci-Dama. Nabatid na bibigyan ng pagkilala ng PLPI sina Garcia at Ramos. Ang naturang mga libro ay bahagi ng library project na itinayo ng PLPI noong 2008. Nagpatayo rin ito ng rain water impounding facility para sa mga palikuran sa naturang paaralan. Nagsasagawa rin sila ng gift giving tuwing panahon ng Pasko at nagkakaloob ng school supplies sa mga mag-aaral at materyales sa mga guro. Namahagi rin sila kamakailan sa Quirino ng donasyong damit at sapatos mula sa Pugad Lawin sa Ontario (Canada) na pinamunuan ni Audie “Lawin Gorbachev” Capuccino. Malapit nang matapos ang itinatayong library at rain water impounding facility sa Pinugay Elementary School sa Baras, Rizal na isang proyekto pa ng PL sa Quirino. Yumabong sana ang mga adhikain ng PLPI, na nakasetro sa paghahanda sa kabataan tungo sa kadakilaan.

KAMI ANG HAHATOL ● Kamakailan, isang rapist ang kinaladkad ng galit na galit na madla mula sa piitan sa India at saka pinatay. Wala nang nagawa ang mga pulis upang pigilan ang napakaraming tao na lumusob sa Dimapur Central Prison sa Nagaland at kinaladkad palabas ang isang pinaniniwalaang ilegal na migrante mula Bangladesh. Pinukol siya ng mga bato at binugbog hanggang sa mamatay, ayon sa ulat. Nahoyo ang lalaki sa salang panggagahasa. Galit na ang mga mamamayan ng India sa mga rapist sa harap ng lumalaganap na insidente ng panggagahasa sa kanilang bansa na napapasukan ng mga ilegal na dayuhan. Mapukaw sana ang atensiyon ng ating mga mambabatas. Marepaso sana ang mga panawagan ng capital punishment sa ating bansa.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3