BAGUIO CITY - “Nangyari na ‘to, sana aminin na lang ni Presidente na may kasalanan siya at nagkamali siya.”

Ito ang pahayag ni Celestino Bilog, ama ni PO2 Russel Bilog na isa sa 44 na police commando na nasawi sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

“Hindi naman natin siya (Pangulong Benigno S. Aquino III) masisisi, baka ‘yung feedback na dumarating sa kanya mula sa battle ground ay maganda at kumpiyansa na may mga tulong na dumating doon. Ang importante ay aminin na lang niya na may kasalanan din siya at sabihin na lang na dapat managot ang nag-feedback sa kanya ng mali. Huwag na niyang pagtakpan ang totoong may kasalanan.

“Kung noon pa ay inamin na niya, wala nang imbestigasyon dyan. Sabihin niya [kung sino] ‘yung nagkamaling nagbigay ng impormasyon sa kanya,” sabi pa ni Bilog.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi niyang hindi sila kontra sa pag-iimbestiga ng Board of Inquiry (BOI) ng Philippine National Police (PNP) at sa kung anumang resulta nito. Wala rin naman aniyang patutunguhan ang imbestigasyon, bagamat hindi mamamatay ang usapin hanggang hindi idinedetalye ng Pangulo ang tunay na nangyari.

“Kung ako [ang tatanungin], si (dating PNP Chief Director Gen. Alan) Purisima lang ang kasuhan, at kung idadawit ‘yung iba ay hindi ako komportable. Kasi naaawa rin ako kay (dating Special Action Force chief Director Getulio) Napeñas kasi masyado siyang sinisisi, eh, kung tutuusin may boss siya na nag-utos at dapat [siyang] sumunod, tapos siya lang ang aako sa lahat? Hindi naman puwede ‘yun,” ani Bilog.

Ginawa ni Bilog ang pahayag sa misang pinangunahan ni Vicariate of Baguio-Benguet Bishop Carlito Cenzon na isinabay sa ground breaking kahapon ng “SAF 44” memorial sa tabi ng Women’s and Children’s Protection Desk ng Baguio City Police Office sa Burnham Park. (RIZALDY COMANDA)