Isinusulong ng nagbitiw na hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Director General Alan LM Purisima ang pagtatalaga kay Director Benjamin Magalong bilang susunod na PNP chief upang maprotektahan umano siya at si Pangulong Benigno S. Aquino III sa ano mang pananagutan sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, na 44 na police commando ang napatay.

Ayon sa source mula sa Department of Justice (DoJ) na kabilang sa nag-iimbestiga sa palpak na operasyon sa Mamasapano, kinukumbinsi umano ni Purisima na maitalagang kapalit niya si Magalong, kasalukuyang hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at pinuno ng Board of Inquiry na nag-iimbestiga sa brutal na pagpatay sa 44 na police commando.

Una nang inamin ni Purisima na isa siya sa nagmando sa Mamasapano operation bagamat kalaunan ay itinanggi niya ang kanyang papel sa mga pagdinig sa Senado at Kamara.

“Kinukumbinsi niya ang Pangulo na si Magalong ang italaga dahil marami itong nalalaman. Kaya niyang baguhin ang findings at proteksiyunan sina Purisima at Aquino kung siya ay maitatalaga bilang susunod na PNP chief,” ayon sa DoJ source.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Iginiit ng source na si Magalong ay kaalyado ni Purisima at ilang beses na nito umanong idinepensa ang nagbitiw na PNP chief sa mga nakaraang kontrobersiya, kabilang ang naungkat na multi-milyong pisong lupain sa Batangas.

“Appointing Magalong could change the history of Mamasapano and the personalities behind it,” ayon sa opisyal ng DoJ.

Bukod kay Magalong, isinusulong din umano ni Purisima si Director Juanito Vano, kasalukuyang PNP Deputy Chief for Logistics, na kilalang bata ng nagbitiw na PNP chief.