Ang National Library of the Philippines (NLP), na repositoryo ng nakalimbag at nakatalang cultural, intellectual, at literary materials, ang nangunguna sa malawakang pagdaraos ng ika-115 Public Library Day ngayong Marso 9. Ang NLP ang nangangalaga ng educational at cultural development ng mga Pilipino, sa pamamagitan ng sistema nito ng mga pampublikong aklatan at information center sa buong bansa.
Atas ng Republic Act (RA) 7743 na nilagdaan noong Hunyo 17, 1994, na kailangang magtayo ang bawat lokal na pamahalaan ng isang pampublikong aklatan. Mula nang isabatas ito, lumago ang bilang mga pampublikong aklatan. Sa ilalim ng RA 7743, nagkakaloob ang NLP sa mga pampublikong aklatan ng mga alokasyon ng mga libro, nagresulta ito sa pagdami ng mga mambabasa na gumagamit ng mga pasilidad ng aklatan. Mayroon itong malawak na Filipiniana collection, mga aklat, bibliographic services, journals, databases, maps, stamps, drawings, at mga manuskrito na mayaman sa karunungan para sa mga mag-aaral at researchers.
Para sa mga lokal na pamahalaan na may mga aklatan, nakikipagtulungan ang NLP sa Department of Interior and Local Government sa pagmamantine at pagpapaganda ng aklatan. Sa ngayon, mayroong 1,238 pampublikong aklatan na kaakibat ng NLP – isang regional public library, apat na congressional, 49 provincial, 101 city, 577 municipal, at 606 barangay o public community libraries.
Pinaglilingkuran ng mga pampublikong aklatan ang pangangailangang pang-edukasyon ng mga lokal na residente; ang kanilang koleksiyon ay halos kaugnay sa kasaysayan, pulitika, at socio-cultural events ng mga rehiyon, probinsiya, lungsod, munisipalidad, at barangay. Matatagpuan sa mga ito ang mga exhibit tungkol sa buhay at kultura ng ibang mga bansa upang magkaroon ng dagdag-kaalaman ang mga Pilipino. Pinalalawak ng mga ito ang kamalayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga programa ng National Book Week pati na rin ang mga kaganapang kaugnay ng pagkahumaling sa pagbabasa.
Inihahatid ng mga pampublikong aklatan ang mga serbisyo ng NLP sa mga rehiyon sa pamamagitan ng bookmobiles o mini-libraries na may mga babasahin para sa mga katutubo at mga mag-aaral na nasa malalayong komunidad na hindi naaabot ng transportasyong panlupa. Ang pagbabahagi ng impormasyon at materyales ng NLP at mga pampublikong aklatan ay sa pamamagitan ng computer link-up – eLib – na may mahigit isang milyong bibliographic resources, 25 milyong pahina ng Philippine materials, at 29,000 full-text journals. Nagdaraos ang NLP ng dalawang taunang komperensiya, tuwing Marso at Nobyembre, upang patatagin ang mga ugnayan at talakayin ang mga isyu ng co-librarians.
Ang unang pampublikong aklatan sa Pilipinas ay ang American Circulating Library (ACL) na itinatag sa Maynila noong Marso 9, 1900. Noong Marso 5, 1901, tinanggap ng American Military Governor ang ACL, sa bisa ng Public Act No. 96, bilang donasyon sa American Insular Government sa bansa. Sa bisa ng Public Act No. 1935, nagkaroon ng konsolidasyon ng lahat ng aklatan at nilikha ang Philippine Library. Noong 1916, ang Philippine Library, Division of Archives, Patents, Copyrights, and Trademarks of Executive Bureau, at ang Law Library of Philippine Assembly ay pinagsanib at tinawag na Philippine Library and Museum (PLM). Pagkalipas ng 12 taon, inihiwalay ng Philipine Legislature ang museo mula sa aklatan. Sa bisa ng Public Act No. 3477 noong 1928, ang PLM ay naging National Library.