PATULOY ang pamamayani ng ABS-CBN sa labanan ng TV ratings nitong nakaraang Pebrero sa average national audience share nito na 42%, ayon sa viewership survey ng Kantar Media. Pitong puntos ang lamang ng Dos kumpara sa 35% na nakuha ng GMA.

Tuluy-tuloy ang pamamayagpag ng primetime (6PM-12MN) block ng ABS-CBN taglay ang average audience share na 48%, lamang ng 17 puntos sa 31% ng GMA. Dulot ito ng malakas na Primetime Bida ng Kapamilya Network na kinabibilangan ng mga de-kalibreng teleserye na Dream Dad (29.4%), Forevermore (28.6%), Two Wives (21.4%), at Bagito (16.7%).

Pinakamahalagang timeblock ang primetime na pinakamarami ang nanonood kaya dito naiipon ang bulto ng patalastas ng advertisers na nais maabot ang mas nakararaming Pilipino sa buong bansa.

Bukod sa primetime, sumulong din sa ratings game ang late afternoon (3PM-6PM) block ng ABS-CBN. Mula sa average audience share na 37% noong Enero, umakyat ang late afternoon block ng Kapamilya Network sa 39% noong Pebrero.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Dulot ang pagtaas ng nasabing block ng ABS-CBN sa mainit na pagtanggap ng viewers sa mga bagong programa kabilang ang Kapamilya Deal or No Deal na nakakuha ng average national TV rating na 11.2%, mas mataas ng apat na puntos sa dalawang programang katapat nito sa GMA (My Name is Kim Sam Soon, 7.4% at Fall In Love With Me, 7.1%).

Matagumpay din ang inilunsad na bagong current affairs programs ng ABS-CBN na Sports U (9.5%), Tapatan Ni Tunying (9.4%), 3-in-1 (9.3%), RealiTV (8.9%), at Mission Possible (8.5%).

Tinutukan ng boxing fans ang special coverage ng ABS-CBN Sports+Action sa Pinoy Pride 29: Fist of Fury na nagtala ng national TV rating na 12.5%.

Kabilang din sa top ten na pinakapinanood na programa sa Pilipinas noong Pebrero ang Maalaala Mo Kaya (27.9%), TV Patrol (25.2%), Rated K (24.6%), The Voice of the Philippines (24.4%), Wansapanataym (23.5%), at Home Sweetie Home (21.1%).