Sumailalim sa operasyon si Cavite Vice Gov. Jolo Revilla noong Sabado upang matanggal ang chest tube sa kanyang katawan, isang linggo matapos aksidente niyang mabaril ang kanyang dibdib habang nililinis ang kanyang baril sa kanilang tahanan sa Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City.

Isinalang sa operasyon si Revilla dakong 5:00 ng hapon noong Sabado sa Asian Hospital sa Muntinlupa City.

“Thank you Lord for a successful operation,” post sa Facebook ni Cavite Second District Rep. Lani Mercado, ina ni Jolo. “Vice Governor Jolo Revilla towards full recovery. Thank you Lord for good doctors at Asian Hospital.”

Sinabi ni Mercado na posibleng tumagal pa si Jolo sa ospital ng dalawang linggo.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Samantala, sinabi ng Muntinlupa City Police na natanggap na nila ang mga affidavit ng doktor, nurse at utility worker ng Asian Hospital hinggil sa aksidenteng kinasangkutan ng bise gobernador.

Subalit sinabi ni Muntinlupa City Police chief Senior Supt. Allan Nobleza na hindi pa rin nila natatanggap ang sinumpaang salaysay ng mag-ina dahil inihahanda pa rin ang mga ito ng abogado ng pamilya Revilla. - Jonathan Hicap