Nang mag-asawa ang anak na dalaga ng aking amiga nang wala sa panahon, halos himatayin siya sa pagkadismaya. Marami pa raw siyang pangarap para sa kanyang unica hija. “Parang pinagsakluban na ako ng Langit at lupa, Vivinca!” Malungkot niyang sinabi sa akin nang iabot ang wedding invitation. “Ito na ang wakas ng aking mundo!” Sa totoo lang, napaka-over acting nitong amiga ko, buti na lang mundo lamang niya ang magwawakas. Pero naisip ko rin: Anu-ano ang maaaring dahilan na magwawakas sa mundo?
Sapagkat likas sa akin ang pagiging pakialamera, inalam ko sa Internet kung paano nga magwawakas ang mundo. Narito ang mungkahi ng mga siyentista:
- Climate Change – Ang ina ng lahat ng pangamba ng sanlibutan ay ang climate change. Maraming siyentista ang naniniwala na ang climate change ay may kakayahang lumikha ang matitinding lagay ng panahon – malalakas na bagyo, nakapapasong tagtuyot, baguhin ang distribusyon ng mga hayop at sakit sa buong daigdig, at palubugin sa tubig ang maraming isla bunga ng pagtataas ng sea level na resulta ng pagkatunaw ng niyebe sa polar areas ng daigdig. At sa sunud-sunod na pagbabagong ito sa ating planeta, magkakaroon ng kaguluhan sa pulitika, pagbagsak ng agrikultura, malawakang kagutuman, pagkasira ng mga ecosystem at iba pang malalang pagbabago kung saan hindi na kaaya-ayang pamuhayan ang daigdig na ito.
- Asteroid – Tema ng marami ang pelikula, ngunit tunay ngang nangangamba ang mga siyentista na maaaring madurog ng mga higanteng asteroid ang daigdig. Isang meteor impact lang ang pinaniniwalaang bumura sa mga dinosaur sa mukha ng planetang ito, at sa nangyari sa Tunguska, Russia, noong 1908 kung saan may malaking pagsabog sa himpapawirin. Nilikha iyon ng pagkadurog ng isang higanteng meteorite, sa altitude na anim na kilometro sa atmosphere. Nawasak ang lawak na 2,000 square kilometers ng kagubayan sa Siberia. Ang mas nakatatakot pa rito marahil, ay kapiraso lamang ng metorite ang alam ng mga siyentista na umiikot sa solar system.