Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kaukulang ayuda para sa tatlong Pinoy nurse na nagpositibo sa Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) kamakailan at patuloy na ginagamot sa isolation facility sa Saudi Arabia.

Ayon kay DFA Spokesperson Charles Jose, agad na nalapatan ng lunas ang tatlong Pinoy nurse matapos makitaan ng sintomas ng MERS-CoV at umaasang mabilis ang kanilang paggaling sa naturang sakit.

Inihayag ni Jose na mahigpit na nakabantay ang mga kinatawan ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa kalagayan ng tatlong kababayan upang siguruhin na makatatanggap ang mga ito ng wastong pagtrato habang naka-confine sa mga pasilidad ng ospital.

Bukod dito, tinututukan din ng embahada na makakukuha ang tatlong Pinay nurse ng kaukulang benepisyo at suweldo na nakapaloob sa pinirmahan nilang kontrata.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Tumutulong din ang Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah na paalalahanang mag-ingat ang mga Pinoy at panatilihing malinis ang kanilang katawan gayundin sa pagtalima sa mga abiso mula sa local health authorities.

Pinaalalahanan ng DFA ang mga Pinoy health worker sa Middle East, partikular sa Saudi Arabia, na sundin ang protocol ng kanilang pinagtatrabahuhang ospital upang maiwasang mahawa ng sakit.

Payo ng kagawaran, sakaling makaranas ng mga sintomas ay agad komunsulta at magpatingin sa doktor.

Nanawagan muli si Jose sa mga kababayang health worker sa Middle East na magpasuri muna sa doktor para sa MERS-CoV bago umuwi ng Pilipinas upang hindi kumalat at makahawa ng ganitong sakit.