Apat na miyemro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), na itinuturong nasa likod ng pagpatay sa 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force noong Enero 25, ang napatay sa panibagong sagupaan sa Maguindanao sa isinagawang pagsalakay noong Sabado ng gabi.

Pinangunahan ng Marine Battalion Landing Team-8 (MBLT-8) ang operasyon sa grupo ng Pinoy bomb expert na si Abdul Basit Usman at napatay ang apat na tauhan ng BIFF sa Datu Ampatuan, Maguindanao.

Ayon sa MBLT-8, ang pagsalakay na isinagawa dakong 10:00 ng gabi ay nauwi sa sagupaan na tumagal ng 15 minuto.

Nakasamsam ang mga sundalong Marines ng apat na matataas na kalibre ng armas at ang bangkay ng apat na rebelde.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay MBLT-8 Commanding Officer Lt. Col Willy Manalang, nakasagupa nila ang mga suspek at pagkaraan ng 15 minutong palitan ng putukan ay nakitang nakabulagta na ang apat na tauhan ng BIFF.

Ayon pa kay Manalang, hindi nakayanan ng mga rebelde ang puwersa ng militar kaya napilitan ang mga itong umatras dala ang iba pang sugatang rebelbe.

Nakumpiska ang Marines ang isang 60mm Mortar at isang US M14 rifle.

Suot pa ng apat na napatay na BIFF ang uniporme ng SAF nang matagpuan ng mga sundalo ang mga bangkay ng mga ito.