Isang miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), na kabilang sa nakibahagi at nakaligtas sa operasyon laban sa Malaysian bomb expert na si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan,” sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, ang nanawagan sa gobyerno na iwasan na ang pagsusulong ng digmaan sa Mindanao.

Base sa petisyon na inihain ni Jason Navarro, isang concerned citizen, sa Change.org, inihayag ng isa umanong miyembro ng PNP-SAF, na tumangging magpakilala, na walang magandang patutunguhan ang isinusulong na “all-out war” sa Mindanao.

“Lumaki akong nakikita ang libu-libong tao sa mga katabi naming bayan na nagbabakwit (nag-e-evacuate). Mga pamilyang walang mapuntahan, wala na ring mabalikan. Ayaw ko na muli nila itong maranasan. Kaya masakit sa aking marinig ang walang pakundangang panawagan para sa all-out-war,” pahayag ng PNP-SAF member, na beterano sa pakikipaglaban sa Mindanao.

“Hindi isang laro ang giyera. Hindi palaruan ang Mindanao. Manalo o matalo ang tropa ng gobyerno, ang buong mamamayan ng Mindanao—Kristiyano, Moro at Lumad, Kristiyano o Muslim—ang nahihirapan, ang biktima ay palaging talo,” aniya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matatandaan na isinulong kamakailan ng iba’t ibang sektor, kabilang si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, ang paglulunsad ng all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos ang brutal na pagkakapatay sa 44 na tauhan ng PNP-SAF sa Barangay Tukanalipao sa Mamasapano.

Ayon kay Estrada, hindi rin dapat pinagkakatiwalaan ng gobyerno ang MILF na ilang ulit na umanong lumabag sa ceasefire agreement.

“Walang ina na ninais humawak ng baril ang kanyang anak. Warrior man ang kanilang asawa, pipiliin ng isang ina na kapiling ang kanilang anak na masaya at buhay, at may magandang kinabukasan,” ayon sa SAF member, “natatakot akong maranasan ng pamilya ko ang epekto ng giyera.”

Naririto ang ilang komento na ipinaskil ng mga netizen sa petisyon, na umabot na sa 2,400 ang sumuporta:

Adiel Basilan, Baguio City – “Ang aking ama ay isang sundalo subalit mayroon siyang mga pinanindigan at marahil ay walang sundalo na hindi ipinaglaban ang kanyang paninindigan—isang matagumpay na giyera na walang dumanak na dugo. Naniniwala ako sa kanya.”

Emmanuel Badoy Jr., Cotabato City – “Ako’y isang tunay na Mindanaoan, at ayaw kong umabot ang giyera sa aming tahanan. Ang giyera ay hindi laro-laro lang, na ang palaging nadadamay ay ang Mindanao.”