MAHIGIT dalawang taon na ang lumipas simula nang pumanaw ang asawang si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, inamin ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo kay Winnie Monsod na hindi pa rin niya naaayos ang mga gamit ng mister sa loob ng kuwarto, lalo na ang isang pantalon at isang shorts na huli nitong isinuot.
Sabi ng mahusay na mambabatas, hindi pa niya kayang alisin ang mga ito sa ngayon.
Sa panayam sa kanya ni Mareng Winnie, sinabi ni Ma’am Leni na bukas ang isip niya sa pagtakbo sa Senado sa 2016, pero mas matimbang sa kanya ang manatili bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.
Ayon pa kay Rep. Robredo, nangangamba siyang mabalewala lang ang lahat ng ginawa ng kanyang yumaong mister kung hindi nagnanais ng reporma ang hahawak ng mga importanteng poder sa probinsiya.
Sa ngayon ay abala si Rep. Leni sa pagpapakalat ng polisiya na naglalapit sa mga mamamayan at lokal na pamahalaan. Noong panahon na alkalde ng Naga City ang yumaong si Jesse Robredo, pinangunahan niya ang pag-imprenta ng babasahin na nagtuturo sa mga tao kung paano makakakuha ng serbisyo ng munisipyo. Nakalista roon kung ano ang mga kailangang isumite para gumana ang mga papeles ng isang tao. Marami ang naengganyong humingi ng tulong sa munisipyo dahil sa mas maayos na sistemang ito.
Hindi raw siya nahihikayat ng mga gustong tumakbo siya bilang pangulo o pangalawang pangulo sa 2016 dahil nag-aaral pa lang siya sa pulitika at hindi pa sapat ang kanyang mga natutuhan sa nakalipas na dalawang taon.