Inilapit ni Ruben Gonzales ang asam ng Pilipinas na mawalis ang unang asignatura matapos na itala ang kumbinsidong three set wins, 6-2, 6-3, 6-1, kontra kay Sharmal Dissanayake ng Sri Lanka sa 2015 Asia-Oceania Zone Group II Davis Cup sa Valle Verde Country Club sa Pasig City.

Ito ay nang magwagi si Patrick John Tierro sa unang laban kung saan ay kinailangan nitong bumangon sa dalawang set na pagkakaiwan bago tuluyang nakapaghiganti kay Harshana Godmanna, 5-7, 3-6, 6-4, 6-0, 6-3.

Habang sinusulat ito ay isinagawa naman kahapon ang krusyal na doubles sa ganap na alas-3:00 ng hapon kung saan ay kasagupa nina Treat Huey at Francis Casey Alcantara ang tambalan nina Dissanayake at Godmanna.

Hangad ng Pilipinas na maipagpatuloy ang perpektong rekord kontra sa Sri Lanka matapos ang siyam na beses na paghaharap. Huling tinalo ng mga Pinoy ang Sri Lankans sa unang round bago nabigo sa Pakistan sa semifinals. Nanatili ang Sri Lanka sa Zone Group II matapos magwagi sa Vietnam.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Napatunayan din ni Tierro, siyang No.1 player ngayon sa Pilipinas, sa kanyang sarili na kaya nitong makabangon at magkumpiyansa sa kanyang nagawang paghihiganti sa nalasap na kabiguan sa Sri Lankan.

“Kinausap ako ni coach at sinabi na mas malakas ako sa kanya at every point lang ang pagtuunan ko. Last year was heart breaking at kung matalo pa ako ay mas heart breaking. Kaya nag-focus ako at nasira ko ang laro niya,” sabi ni Tierro.

Sakaling mawalis ng Pilipinas ang laban kontra sa Sri Lanka, uusad sila sa ikalawang round na posibleng makatapat ang Chinese Taipei na hawak din ang abanteng 2-0 panalo kontra sa Lebanon.