Umaasa ang Philippine Olympic Committee (POC) na magkakaroon ng direksiyon at kaayusan ang Philippine Bowling Congress (PBC) hinggil sa naiulat na napipisil ng pambansang manlalaro na ihalal bilang pangulo ang premyadong bowler na si Rafael “Paeng” Nepomuceno.

Napag-alaman kay POC 1st Vice-President Joey Romasanta na kanilang hinihintay ang iniutos na pagsasagawa ng eleksiyon sa PBC matapos na pumanaw ang dating presidente na si Toti Lopa.

“We are still waiting for their election. We want only good for the sports which we had been dominating in the past. Hopefully, with what we heard that Paeng (Nepomuceno) is going to be the president, we could only hope for the best of that NSA,” sinabi ni Romasanta.

Matatandaan na ipinag-utos ng POC ang agarang eleksiyon sa asosasyon bunga ng sunud-sunod na nakahihiyang kampanya sa lokal at internasyonal na torneo upang tuluyan ng maipatupad ang mga programa at direksiyon ng sport.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Nabatid na ipinag-utos ni POC president Jose “Peping” Cojuangco na magsagawa agad ng halalan sa bowling upang maputol mapagtuunan ang kahihiyang nalalasap ng bansa sa sinasalihang internasyonal na torneo.

Dapat sana’y natuloy ang eleksiyon ng PBC noong Enero nang mabakante ang posisyon at sa kawalan ng kahandaan ng bise-presidente na si Leandro Mendoza na pamunuan ang asosasyon.

Magaganap sana ang eleksiyon ngayon subalit muli itong iniusog sa Marso 28.

Aminado ang mga miyembro ng PBC na napapanahon na para sa 50-taon na si Nepomuceno na pamunuan ang asosasyon upang maiangat uli ang kalidad ng mga manlalaro at maging sa world ranking dahil na rin sa patuloy na pagbaba ng interes ng mga manlalaro.

Matatandaan na si Nepomuceno, na binigyan ng Order of Lakandula, ay naging six-time world bowling champion. Napagwagian nito ang World Cup of Bowling ng apat na beses (1976, 1980, 1992 at 1996).

Si Nepomuceno rin ang natata-nging bowling athlete sa buong mundo na binigyan ng prestihiyosong International Olympic Committee President’s Trophy at unang international male bowling athlete na iniluklok sa International Bowling Hall of Fame and Museum na nakabase sa Arlington, Texas noong 1993.

Mayroon din itong pitong foot image na nakadisplay sa pasukan ng museum. Kinilala rin si Paeng noong Nobyembre 1999 nang Federation Internationale des Quilleurs (FIQ) bilang International Bowling Athlete of the Millennium.

Nakatala rin ito sa Guinness Book of World Records para sa tatlong record na 1) Most Bowling World Cup na nanalo ng apat na beses sa tatlong magkakaibang dekada; 2) Pinakabatang bolwer na nagwagi ng Bowling World Cup (sa edad na 19-anyos at 3) Pinakamaraming bilang ng napanalunang bowling tournament.

Si Paeng ay may natipon na kabuuang 128 career bowling title kung saan ay noong September 2003 ay kinilala rin ito ng Prestigious Bowlers Journal International bilang Greatest International Bowler of All Time.