Tetestigo bukas, Marso 9, sa Sandiganbayan ang abogado ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang idetalye kung paano umano nakuha ni detained Senator Jinggoy Estrada ang kickback nito na aabot sa P158 milyon mula sa pork barrel fund.

Ito ay matapos tuluyan nang ibasura ng Fifth Division ng anti-graft court ang mosyon ni Estrada na ipatigil sana ang paghaharap sa hukuman ng isa sa mga testigo ng prosekusyon na si Atty. Orlando Negradas ng AMLC.

Nauna nang inilabas ng AMLC ang 90-pahinang report nito na nakasaad ang mga impormasyong nakitaan ng money laundering ang siyam na bank account ni Estrada.

Ayon sa AMLC, hindi magkakatugma ang yaman ni Estrada batay sa kanyang bank accounts at sa naideklara niya sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Iginiit naman ng senador sa kanyang mosyon ang umiiral na Bank Secrecy Law ngunit ipinaliwanag ng hukuman ang mga exception sa naturang batas.

“Estrada no longer enjoys absolute control over his privacy especially over matters of relevance to the charges against him,” bahagi ng resolusyon ng korte.

Nahaharap si Estrada sa kasong plunder at graft kaugnay ng pagkakasangkot sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na ang umano’y mastermind ay ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles.