Bagamat P11-milyon halaga lang ng ari-arian ang hinahabol ng prosekusyon, boluntaryong isinuko ni retired Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Lisandro Abadia ang kanyang ari-arian na nagkakahalaga ng P13 milyon bilang kabayaran sa gobyerno matapos matalo sa isang forfeiture case.

Sa kanyang manifestation sa Sandiganbayan Third Division, ipinaalam ng mga abogado ni Abadia sa korte na isusuko nila ang ari-arian bilang full payment sa desisyon sa forfeiture case.

Matapos katigan ng Korte Suprema ang desisyon ng Third Division sa forfeiture case laban kay Abadia noong Hunyo 5, 2013, hiniling ng prosekusyon sa Sandiganbayan na magpalabas ng kautusan sa pagkumpiska ng ari-arian ni Abadia na nagkakahalaga ng P11,262,876.01, na napatunayang ilegal na yaman na nabili niya noong termino niya bilang AFP chief of staff.

Sa kanyang liham kay Prosecutor Charmaine Calalang, sinabi ng mga abogado ni Abadia na handa ang kanyang kliyente na isuko ang lupain sa Sta. Maria, Laguna bilang full payment sa judgment award.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ang naturang lupain ay nakapangalan kay Abadia at sa kanyang yumaong maybahay na si Violeta Abadia.

Sinabi ng mga abogado ni Abadia na ang fair market value ng lupain sa Sta. Maria ay P350 kada metriko kuwadrado o may kabuuang halaga na P12,794,950 na sobra-sobra upang punan ang judgment award ng korte.

Sa 35-pahinang desisyon, sinabi ng Third Division na bigo ang dating AFP chief of staff na ipaliwanag kung paano biglang lumobo ang kanyang idineklarang net worth mula P4.77 milyon noong 1991 sa P6.476 milyon sa sumunod na taon at P13.61 milyon noong 1993.

Base sa mga ebidensiyang isinumite sa korte ni Calalang, umabot sa P2.63 milyon ang total disposable income ni Abadia noong 1987 hanggang 1993 kumpara sa gastusin ng kanyang pamilya na P2.77 milyon sa kahalintulad na panahon.

“Respondent Gen. Abadia is hereby ordered to pay to the State the aforesaid amount of P11,262,876.01, otherwise, the State will order the forfeiture of his properties with the value equivalent to the amount,” ideneklara ng korte.