Tiniyak ng Malacañang na hindi ito magiging hadlang sa mga kilos protesta na may kaugnayan sa pagkamatay ng 44 tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).

Iginiit din ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na kailan man ay hindi nakialam ang Palasyo sa mga demonstrasyon sa kabila ng mga alegasyon na pinagbawalan nito ang mga tauhan ng PNP na makibahagi sa kilos protesta ng mga nakikisimpatya sa mga commando na brutal na pinatay sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25. 

“Wala tayong kinalaman dito na huwag silang sumama,” pahayag ni Valte.

“Remember that in any rally or demonstration—at least under the Aquino administration—we have never intervened, or we have never stepped in to ask na huwag ituloy because we recognize that these rallies are part of the democratic space that we share,” dagdag niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Subalit binalaan ng Palasyo ang publiko laban sa mga “oportunista” na ginagamit umano ang isyu ng SAF 44 upang isulong ang kanilang pansariling interes.

“Let us be wary of groups that might be taking advantage of the situation for their own personal motives at hindi naman po talaga para makiramay o makiisa roon sa mga pamilya ng SAF 44,” pahayag ni Valte.

Ito ay bilang reaksiyon sa isasagawang March for Justice for SAF 44 ngayong Linggo, na magsisimula sa Dasmariñas, Cavite patungong Quezon Memorial Circle sa Quezon City.

Ang tinaguriang “Unity March” ay pangungunahan ng PNP Alumni Association, Inc., kasama ang mga naulila ng SAF 44 sa paggunita ng ika-40 araw ng pagkamatay ng 44 commando.