Ayon sa isang dalubhasa, nakaaapekto sa buhay ng tao ang labis na paggamit ng social media kabilang na ang Facebook at Twitter. Ayon kay University of the Philippines Anthropologist, Dr. Carolyn Sobritchea, bukod sa kalungkutan ay nagdudulot din ito ng inggit, Narcissism o labis na paghanga sa sarili tulad ng madalas na pagse-selfie at pagpo-post nito sa social networking sites.
Kinikilala ng Simbahan ang makabagong teknolohiya subalit dapat itong gamitin para sa pagbabahagi ng pag-ibig at Mabuting Balita ng Panginoon sa halip na magdulot ng masama sa kapwa. Nilinaw naman ni Sobritchea na mayroon din namang mabubuting epekto ang paggamit ng social media, tulad ng access to information, kalayaang magpahayag ng damdamin ng isang tao, at upang makipagtalastasan sa mga malayong kamag-anak o kaibigan. Pero kailangan pa ring limitahan ang paggamit nito. Kailangang gabayan ng mga guro at magulang ang mga kabataan sa tama at balanseng paggamit ng social media at ng Internet.
Sa survey ng University of Missouri Columbia sa mahigit 700 mag-aaral, lumalabas na nakadarama ng labis na kalungkutan ang mga taong madalas na gumagamit ng Facebook dahil sa nakikita at naikukumpara ang sarili sa iba. Base sa ulat, ang Pilipinas ay ika-17 sa pinakamalaking bilang na gumagamit ng Internet sa buong mundo.
***
Ang mga biktima ng sunog sa Parola compound, Tondo, Manila ay tinutulungan ng Caritas Manila at Quiapo Church. Patuloy ang pagtugon ng mga institusyon ng Simbahang Katoliko sa pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng sunog sa Parola Compound sa pamamagitan ng feeding program, limang kabang bigas, mga de lata at sanlibong kahon ng bottled water ang unang ipinamahagi ng Quiapo Church sa mga apektadong residente. Nagpadala din ang Caritas Manila ang social arm ng Archdiocese of Manila ng 500 food bag, 500 hygiene kit, 200 kumot at 100 sako ng mga damit sa mga nasunugan. Aminado si Fr. Jeremiah Adviento Parish Priest na magtatagal pa ang pangangailangan ng mga nasunugan na tinatayang umaabot sa mahigit tatlong libong pamilya. Para sa mga nais magpadala ng tulong ay maaring makipag-ugnayan sa Quiapo Church at Caritas Manila o tumawag sa himpilan ng Radyo Veritas sa numerong 925-7931.