Ipaparada ng pamahalaang panglalawigan ng Ilocos Sur ang tatlong lokal na pamahalaan nito na pinuri kamakailan ng Department of Health (DoH) sa walang pagod na pagtatrabaho para mapalakas ang sistema ng kalusugan at mapaangat ang efficiency at effectiveness sa pagkakaloob ng pangunahing health services.
Mula sa 80 lalawigan sa bansa, napabilang ang Ilocos Sur sa top 10 sa serbisyong pangkalusugan at ginawaran ng “Excellence in Kalusugan Pangkalahatan”.
Nanguna naman ang Vigan City sa Independent Component Cities category, na nasa no. 3 ang Candon City, samantala pasok din sa top 10 ang Bantay mula sa 1,490 munisipalidad.
Pinuri naman ni Gov. Ryan Singson ang Provincial Health Office, Barangay Nutrition Scholars, barangay health workers at DoH-Region 1 sa pagpapatupad nito ng universal health care programs para sa mga Ilocosurian. - Liezle Basa Iñigo