REO Brothers

PUNO ng saya, sigla at pag-asa ang musikang hatid ng REO Brothers sa self-titled debut album nila sa ilalim ng Star Music.

Ang REO Brothers, na binubuo ng magkakapatid na sina Reno (drums), Ralph (bass), Raymart (rhythm guitar) at RJ (lead guitar), ay nabuo noong 2009 at pormal na nakilala sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng ABS-CBN Christmas benefit concert noong 2013. 

“Noong gabing ‘yun sobrang kabado kami kasi puro malalaking artista ang kasama sa show. Pero naging maayos ang lahat at labis-labi ang saya namin na nabigyan ng standing ovation ang performance namin ng lahat ng taong nandoon sa Araneta Coliseum,” kuwento ng banda na tinaguriang Pinoy Beatles ng kanilang mga tagahanga.

Eleksyon

China, nilinaw na walang interest makialam sa Philippine election

Simula noon, marami nang tumangkilik sa musika ng disco, pop-rock band na nagsilbing inspirasyon sa marami hindi lamang dahil sa kuwento ng pagbangon nila matapos ang pananalanta ng super bagyong Yolanda sa Tacloban noong 2013, kundi lalo na sa kahanga-hanga nilang talento sa musika na kanilang pinatunayan sa live shows dito at sa ibang bansa.

Patok sa marami ang bersiyon nila ng ‘60s at ‘70s hit songs ng mga music icon gaya ng Beach Boys, Dave Clark 5, Gary Lewis & the Playboys, at The Beatles. 

Ngayong inilunsad na ang kanilang debut album, hindi maikubli ng REO Brothers ang excitement na maibahagi ang kanilang musika lalo na sa mga taong naniniwala sa kanilang talento at sa kanilang pangarap na makapasok sa recording scene.

“Kung sa live shows ay international bands ang madalas naming kinakanta, dito sa album, bibigyang-pugay naman naming ang OPM legends tulad ng VST & Company, Hotdog, at Juan dela Cruz Band. Sa pamamagitan ng album na ito, gusto sana naming maipakilala ang ganda ng Manila Sound sa mga kabataang gaya namin,” pahayag ng REO Brothers.

Tampok sa REO Brothers of Tacloban ang apat na revivals at dalawang original songs na likha ng veteran hitmaker na si Vehnee Saturno. 

Nag-record ang banda ng kanilang bersiyon ng Awitin Mo Isasayaw Ko ng VST & Company, Manila ng Hotdog, Titser’s Enemy Number One ng Juan dela Cruz at Pinoy Ako ng Orange & Lemons. Ang dalawang original track ay may pamagat na O Bakit? at ang carrier single ng album na Ako’y Tinamaan. Lahat ng anim na tracks ay may minus one versions sa album.

Ang REO Brothers of Tacloban album ay available na sa leading record bars nationwide sa halagang P199 lamang. Maaari na ring ma-download ang digital tracks worldwide sa pamamagitan ng online music stores katulad ng iTunes,Mymusicstore.com.ph, at Starmusic.ph.