Isang recruitment agency sa lalawigan ng Rizal ang ipinasara ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) dahil sa umano’y pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa Japan nang walang balidong lisensiya sa pagtatrabaho.
Ayon kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac, ang mga kaso ay inihahanda na ng kanyang tanggapan laban sa may-ari at staff ng Jomhadz International Corporation.
Nabatid na nasa Antipolo City ang main office nito at ang satellite office ay sa Paco, Manila kung saan ay iniutos na ipasara ng POEA sa mga operatiba matapos ang mga natanggap nilang reklamo sa mga naging biktima.
Nakumpiska sa isinagawang pagsalakay ang employment documents ng mga aplikante, kabilang ang mga passport.
Sinabi ni Cacdac na gagamitin nilang documentary evidence ito sa kasong illegal recruitment na isasampa ng POEA.
Sa pahayag ng mga biktima, hinihingan sila ng P150,000 placement fees sa trabaho sa isang factory ng alak sa Japan.
Kasabay nito, hinikayat ni Cacdac ang iba pang mga biktima na lumabas at magharap ng reklamo sa Anti-illegal Recruitment Branch ng ahensiya. - Mina Navarro