Pinag-iingat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Carmelo E. Valmoria ang publiko sa bagong scam na humihingi ng cash donation para sa benepisyo ng mga nakaligtas sa Mamasapano at mga naulilang pamilya ng 44 Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) commando.
Sinabi ni Valmoria na nagbukas ang PNP ng account sa lahat ng cash donation para sa ayuda sa mga nasugatan at naulilang pamilya ng SAF 44.
Ang mga nagnanais na magkaloob ng kanilang tulong pinansiyal ay sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines sa PNP Special Assistance Fund Account 1862-1027-77 at maaaring tawagan ang awtorisadong kinatawan ng PNP na si Chief Insp. Renante F. Pinuela ng PNP Directorate for Comptrollership sa 0917-270-5533 at 0917-857-6026.
Nilinaw pa ni Valmoria ang NCRPO ay hindi nagso-solicit ng suportang pinansiyal para sa pamilya ng SAF 44 gayunman ay nagpaabot ang opisyal ng kanyang pasasalamat sa lahat ng donor na nagkaloob ng tulong.
Hinikayat ng NCRPO chief ang publiko na agad i-report sa anumang himpilan ng pulisya o magsumbong sa NCRPO hotline number 838-3203, 0915-888-8181 at 0999-901-8181; i-Tweet sa @NCRPOReact o sa facebook account na NCRPOReact kung may indibidwal o grupo na gumagamit o nagbibigay ng hindi awtorisadong account o numero para sa SAF 44 donations.
Mahigpit na binalaan ni Valmoria ang mga indibidwal na magsasamantala sa nasabing sitwasyon.
Samantala, pinayuhan kahapon ng NCRPO director ang mga bagong nagtapos na pulis ng Police First Responders Course, Civil Disturbance Management Training at Explosive Ordinance Reconnaissance Agent Course na gawing mabuti ang kanilang tungkulin at gamitin ang lahat ng estratehiya at teknikal na operasyon na kanilang napag-aralan mula sa training courses.
Gayunman iginiit ni Valmoria na hindi siya mangingiming sibakin o ibaba sa puwesto ang sinumang Police Officer ng NCRPO na masasangkot sa mga ilegal na aktibidad.