Dumalo kaming magkakaopisina sa kasalan ng isa naming kasama. Base sa napakagandang mapang kasama sa imbitasyon, matatagpuan ang simbahan sa loob ng isang malaking unibersidad sa Quezon City. Lulan ng isang van na minamaneho ng may-ari nito na simpatiko at guwapito naming kaopisinang si Tonio, nahirapan kaming hanapin ang naturang simbahan gayong nasa loob na kami ng bakuran ng unibersidad. Iminungkahi ko na magtanong na lang sa mga naglalakad. Kaya inihinto ni Tonio ang van sa tapat ng isang lalaking nagwawalis sa gilid ng kalye. “Gandang umaga,” bungad ni Tonio sa lalaki. “Naliligaw po kami. Saan ang daan papuntang simbahan?”
Gamit ang walis bilang panuro, sinabi ng lalaki, “Liko ka sa kanan, pangalawang kanto... ay, teka, pangatlong kanto pala tapos liko ka sa kaliwa, may building doon... ay kubo pala, tama, kubo tapos sa likod niyon may kalye pero sa kabila pa niyon ang babagtasin mo tapos sa pang-apat na poste... hindi, pangatlo yata... tama, pangatlo nga, tanaw na ang simbahan tapos liko ka sa may building... library yata... hindi, opisina pala...”
Sa totoo lang, hindi na guwapito si Tonio nang kumulubot ang mukha niya sa parang sapot ng gagambang direksiyon na ibinigay ng lalaki. Pagkatapos ng pag-uusap, may nagtanong kay Tonio, “Ano? Nakuha mo ang sabi niya?” Tumango si Tonio. “Dalawa raw ang hahanapin natin, ang simbahan at isa pang mapagtatanungan.”
Ang karanasang ito ang nagpapaalala sa akin ang malaking kapahamakan na susuungin natin kung hindi dumating si Jesus sa daigdig. Naghahangad tayong makarating sa Langit sa sarili nating mga paraan at dahil sa kasalanan, kung sinu-sino na lang ang ating hinihingan ng tulong upang akayin tayo sa tamang direksiyon na hindi naman natin maramdaman na tamang landas nga iyon; hanggang isang araw may magtatanong sa atin: “Saan kayo pupunta?” at ang isasagot natin: “Hindi namin alam, naliligaw po kami.”
Dumating si Jesus sa daigdig upang mapatawad ng mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus. Siya lamang ang perpektong alay bilang kabayaran sa ating pagkakasala. At dahil muli siyang nabuhay, Siya ngayon ang daan patungong Langit para sa lahat ng nagtitiwala sa Kanya. Dahil kay Jesus, makararating tayo sa Langit.