Sa paggunita ng ika-40 araw ng kamatayan ng Fallen 44 kahapon, hindi humuhupa ang mga panawagan sa pagkakaloob ng katarungan sa naturang mga biktima ng Mamasapano massacre sa Maguindanao. Inaalam pa ng iba’t ibang ahensiya kung sino ang talagang may pananagutan sa malagim na labanan ng Special Action Forces at ng sinasabing mga terorista na kasapi ng Moro Islamic Liberation Forces.

Bukod sa mailap na hustisya, totoong ang Fallen 44 ay pinagkalooban na ng PNP Bravery Medal dahil sa kanilang kagitingan sa naturang anti-terror operation. Patuloy silang dinadakila ng sambayanang Pilipino na mapagmahal sa kapayapaan.

Maging ang mga naulila ng Fallen 44 ay nabigyan na rin ng mga benepisyo tulad ng itinatadhana ng umiiral na mga regulasyon. Sa kagandahang-loob ng mga pribadong sektor, ang naturang mga pamilya ay tumanggap na rin ng makabuluhang tulong.

Sa kautusan ng gobyerno, ang mga naulila ay ipagpapatayo ng mga tahanan; at ipakukumpuni ang nakatirik nilang mga bahay. Ang kanilang mga anak ay pinagkalooban ng mga scholarship para sa mga kursong nanaisin nila, hanggang sa sila ay makatapos ng pag-aaral.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Subalit ang mga ito ay nananatili pa lamang na mga pangako sapagkat kailangan pang masaksihan ang katuparan ng mga ito. Ang nasabing mga bahay ay ipatatayo pa lamang at ang mga scholarship ay hindi pa nasisimulan. Sana ay maging ganap ang mga pangako.

Sa kabila ng lahat ng ito, lumutang ang isang angkop na panukala na ang Fallen 44 ay dapat pagkalooban ng Medal of Valor. Sa pamamagitan ng resolusyon ni Senador Bam Aquino, hindi dapat ipagkait sa kanila ang naturang pinakamataas na karangalan sapagkat itinaya nila ang kanilang buhay alang-alang sa kapayapaan. Pinatunayan nila na lagi nilang taglay ang pag-uukol ng supreme sacrifice sa paglipol ng mga naghahasik ng karahasan.

Hindi na nga maibabalik ng Medal of Valor ang buhay ng Fallen 44; subalit ito ay makapagpapahupa sa pagdadalamhati ng kanilang mga naulila.