AVIAN INFLUENZA ● Nagbigay ng babala ang Department of Agriculture hinggil sa pagpapasok sa bansa ng kahit anong uri ng ibon at kaugnay na produkto tulad ng poultry meat, day-old chicks, itlog at semina mula sa California, USA. Sa utos na inisyu ni DA Secretary J. Alcala, layunin nito ang protektahan lokal na livestock mula sa virus na Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI).
May matinding outbreak umano bg HPAI sa California ayon sa Animal and Plant Health Inspection Service (APHIS) ng US Department of Agriculture (USDA) at kumpirmadong marami nang hayop ang namatay dahil sa naturang virus kung kaya apektado pati ang ekonomiya ng estado. Siguro mas mainam na magpatupad na muna ng maagang pag-aayuno sa manok kahit alam nating wala namang HPAI na namamayagpag pa sa lokal na livestock sa ating bansa. Hintayin na lang natin na mag-anunsiyo ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno hinggil sa kaligtasan ng mga produktong manok laban sa mapanganib na HPAI.
***
LIGTAS NA KARAGATAN ● Sumailalim kamakailan sa matinding pagsasanay ang Philippine Coast Guard (PCG) at ang US Coast Guard (USCG) sa larangan ng maritime security. Ayon sa inilabas na pahayag ng US Embassy, magkasabay na sinasanay ang PCG at USCG sa Cebu at Iloilo sa pangunguna ni Commodore Eric Evanghelista. Lumahok sa outboard motor maintenance course ang 27 miyembro ng PCG sa layuning tiyakin na laging mahusay ang kundisyon ng mga barko ng naturang ahensiya ng seguridad pandagat. Sa Mayo ngyaong taon, balak ng Export Control and Related Border Security Program ng US Department na suportahan ang panibagong pagsasanay ng USCG at PCG na tututok naman sa operasyon ng mga maliliit na bangka. Ang ating karagatan ay hitik sa natural na kayamanan, saan mang lupalop mapaling ang ating paningin kung kaya inaasinta ito ng mga mapagsamantala. Nawa ay mauwi ito sa pinaigting na seguridad para sa karagatang nasa teritoryo ng Pilipinas laban sa mga banyagang nagmamalabis sa kanilang pakay na manguha ng likas na yamang-dagat o magmina ng koral o langis mula sa ating mga nasasakupan.