Malubhang nasugatan kahapon ang Star Wars star na si Harrison Ford nang bumagsak ang kanyang sinasakyang eroplano sa Los Angeles golf course, ayon sa isang source sa Reuters.
Tumama sa isang puno ang single-engine plane matapos umalis mula sa Santa Monica Airport, halos isang milya (1.6 km) ang layo, at nakaligtas ang sakay sa “fair to moderate” na kondisyon, ayon kay Assistant Los Angeles Fire Chief Patrick Butler.
Ayaw kumpirmahin ni Butler kung lulan si Ford ng nasabing eroplano, ngunit ayon sa isang source na nakakaalam sa imbestigasyon, naroon ang 72 taong gulang na aktor.
(Editor’s note: Sa ibang ulat, si Ford mismo ang piloto ng eroplano. Experienced pilot ang aktor.)
“At the hospital. Dad is OK. Battered but ok!” pahayag ng anak ni Ford na si Ben sa Twitter. “He is every bit the man you would think he is. He is an incredibly strong man.”
Ayon sa tagapagsalita ng Los Angeles Police Department, mechanical failure ang naging sanhi ng pagbagsak ng eroplano na naganap dakong 2:25 p.m.
Ayon kay Butler, nasa maayos na kalagayan na si Ford matapos mangyari ang aksidente at agad tinulungan ng mga nakasaksi bago pa dumating ang paramedics upang dalhin sa ospital.
Paramedics “initiated spinal immobilization, started an IV and began all the necessary medical protocols that we do,” pahayag ni Butler.
Base sa ulat sa website ng TMZ, nagtamo ng sugat si Ford sa kanyang ulo at walang tigil ang pagdugo. Wala pang ipinapahayag na komento ang mga tagapagsalita ni Ford.
Nakilala si Ford bilang archaeological adventurer na si Indiana Jones sa Raiders of the Lost Ark at sa sequel bilang space hero na si Han Solo sa Star Wars. (Reuters)