Pinaalalahanan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko na mag-ingat laban sa mga artipisyal na fashion nail set, na nabibili sa labas ng mga eskuwelahan, dahil posibleng maging sanhi ito ng allergy o pagkamatay.
Batay sa Advisory 2015-006 ng FDA, natuklasan na ang mga unmodified samples ng naturang fashion nail ay nagtataglay ng Dibutyl Phthalate (DBP).
Ayon kay FDA Director IV Nicolas Letro III, ang DBP ay nagdudulot ng allergic reactions sa indibidwal at mayroon na, aniya, silang naitalang kaso na matindi ang naging epekto dahil sa paggamit nito.
Mabibili sa Makati, Mandaluyong, Manila, Pasay, Quezon City, San Juan at Taguig ang fashion nail set na may brand na “Charming Nails,” “Fashion Nail,” “Fengshangmei New Nail” at “Hong Lin Designer Nails Set,” na mabibili ng P5-P10.