AAKYAT ng Baguio City si Coco Martin kasama ang iba pang sikat na ABS-CBN stars para makipagdiwang sa taunang engrande at makulay na Panagbenga Festival.
Gaganapin ang Panagbenga Kapamilya Karavan ng ABS-CBN Regional ngayong araw, alas-kwatro ng hapon, sa Melvin Jones Grandstand sa Burnham Park.
Bukod kay Coco, tampok rin sa programa sina Zanjoe Marudo, Jana Agoncillo, at Beauty Gonzales ng Dream Dad; Jane Oineza, Jerome Ponce, Loisa Andalio, at Joshua Garcia ng Nasaan Ka Nang Kailangan Kita; at Nash Aguas, Alexa Ilacad, at Ella Cruz ng Bagito. Manghaharana at magpapakilig naman sa mga kababaihan ng Summer Capital of the Philippines ang patok na pop boyband ng Star Music na Gimme 5, na binubuo nina Nash, Joaquin Reyes, John Immanuel Bermundo, Grae Fernandez, at Brace Arquiza.
Ang Panagbenga Kapamilya Karavan ay magsisilbing simula ng year-long celebration ng ika-20 anibersaryo ng ABS-CBN Baguio na pinamagatan nilang “Taon ng Pasasalamat.”
Bukod sa espesyal na pagbisita ng ilan sa pinakamalalaking bituin ng ABS-CBN, isa rin sa highlight ng pagdiriwang ang “PINASikat” segment, ang talent search na magtatampok sa angking galing at talento ng mga Kapamilya sa Northern Luzon.
Kasamang makikipagdiwang sa Panagbenga Kapamilya Karavan ang hosts ng programa na sina MagTV Atin ‘To presenter Kiko Villalba at MOR 103.1 Bagiuo DJs na sina Juan Romantiko, JBrosas, BongBastic, Magic Chan, at Grasya Pantasya.
Ang Panagbenga Kapamilya Karavan ay hatid sa Kapamilya fans ng ABS-CBN Regional, ang nationwide TV at radio network ng ABS-CBN Corporation.