Wala nang makapipigil pa sa gaganaping unang edisyon ng Asian Women’s U23 Volleyball Championships na inorganisa ng Asian Volleyball Confederation (AVC) sa Mayo 1 hanggang 9 sa Mall of Asia Arena.
Ito ay matapos makumpleto ang apat na grupong maglalaban sa pinakaaabangang torneo na tampok ang host Pilipinas, China, Japan, Korea, Macau, Taipei, India, Iran, Kazakshtan, Maldives, Uzbekistan at Thailand.
Isinagawa mismo ni AVC Secretary General Shanrit Wongprasert ang draw ng maglalabang bansa katulong ang mga opisyal ng bagong tatag na Larong Volleyball ng Pilipinas (LVP) sa pangunguna ni POC Vice-president Jose Romasanta.
“We have to respect the National Olympic Committee decision, because all the international federation has to work with the NOC’s. We, in the AVC and FIVB, have to work with the group recognized by the NOC. We have to work and run our championships in coincidence with the rules of FIVB and AVC,” pahayag ni Shanrit.
Ang Pilipinas bilang punong-abala ay napunta agad sa Pool A kasama ang Kazakshtan (7th) at ang Islamic Republic of Iran.
Magkakasama naman sa Pool B ang China (1st), India (6th) at Macau.
Napasama sa Pool C ang Japan (2nd) Taipei (5th) at Maldives habang magsasagupa sa Pool D ang Korea (3rd), Thailand (4th) at ang Uzbekistan.
Agad na makakalaban ng Pilipinas ang matinding Iran sa Mayo 1 bago sumabak sa Kazakshtan sa Mayo 2.
Ang magkakampeon ay makukuwalipika naman sa isasagawang 2015 FIVB World Under 23 Championships na gaganapin sa Ankara, Turkey sa Agosto 12 hanggang 19. Unang ginanap ang torneo noong 2013 sa Mexico.
“This is a historic day for the Philippine volleyball since the country is pioneering the most prestigious tournament for the best Under 23 in Asian region,” sinabi ni Ramon Suzara, Chairman, Development & Marketing Committee ng AVC.
Ipinakilala din ang mga opisyal ng bagong asosasyon na LVP na binubuo nina Romasanta, (Pangulo), Victorico Chavez (Chairman), Peter Cayco (Vice-president-NCAA), Ricky Palou (SecGen-Shakey’s V League), Rodrigo Roque (UAAP), Atty. Ramon Malinao, Legal Counsel, Resident Board Member at IOC Managing Director Dr. Benjamin Espiritu at national coaches na sina Roger Gorayeb at Sammy Acaylar.
“As we take our baby steps, in organizing the AVC Under 23, the initial question is why we are here,” pahayag ni Romasanta. “That is because of the congruence of events, of wanting to lift the sports as the country was noticeably absent in the last Asian Games and other tournament, in our aim to resurrect the glory of volleyball.”
Sinunod ang proseso sa drawing of lots kung saan ay seeded teams ang host at ang top 7 team sa nakalipas na Asian U20 volleyball championships. Inilagay ang Pilipinas sa Pool A bilang organizer habang inilatag ang pitong iba, ayon sa pagkakasunod, sa ranking.
Kinunsidera naman ang geographical location upang maiwasan ang mga koponan na magkasama-sama sa iisang pool. Ang natitirang apat na koponan, Iran, Maldives at Uzbekistan sa Central zone at ang Macau na mula sa Eastern zone ay inilatag naman sa Pool A, B, C o D.
Dumalo din bilang pagsuporta sina Luz Ricardo ng Sonia Trading para sa official ball na Mikaza at Bhaby Lorenzo, brand manager ng Asics, na official shoes ng torneo. Naging saksi din si Ateneo de Manila Lady Eagles coach Tai Bundit