WALANG dapat ipag-alala si Sarah Geronimo at ang Popsters na supporters niya sa pagtatambal nina Alex Gonzaga at Matteo Guidicelli sa Inday Bote.
Itinukso ng mga katoto si Alex kay Matteo nang makatsikahan namin siya sa presscon ng kanyang The Unexpected Concert (na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa Abril 25)at paano raw kung sakaling walang Sarah Geronimo sa buhay nito.
“Ay hindi,” mabilis na sagot ng dalaga. “Kaibigan ko si Matteo matagal na. Hindi ko type mga ganu’n, gusto ko tsinito, tulad ni Kuya Kim (Atienza). Kaya nga nu’ng sinabi ko na type ko siya (Kuya Kim) at nagpaalam ako sa kanya kung okay lang na banggitin ko na katulad niya ang type ko, eh, sabi ni Kuya Kim, ‘it’s okay, because you’re not serious about it, the fact that you said it in public.’ Kaya walang dahilan para ako awayin ng Popsters.”
Nabanggit tuloy ang pangalan ni Ryan Bang pero biglang umarko ang kilay ni Alex.
“Hindi naman tsinito ‘yun, Koreano ‘yun, ganito (nagmuwestra) ang mata niya,” mabilis uling sabi ng dalaga.
O, sige, si Kean Cipriano na lang, sabi namin. At nagulat kami sa napakalakas na tawa ni Alex.
“Hindi naman siya tsinito, eh. Ano siya,” sabay bulong sa amin, na ikinaloka ng mga nakarinig.
Hindi na namin babanggitin ang sinabi ni Alex tungkol sa isa ring leading man niya sa Inday Bote, basta ang pinakadahilan kung bakit hindi nag-prosper ang kanilang relasyon noon -- na kahit tanggi sila nang tanggi ay -- dahil hindi boto ang magulang pati na ang ate ng dalaga.
Sinabi namin ito kay Alex at umayon naman siya sa amin sabay tawa.
“Naku, kayo talaga, kung anu-ano’ng ‘tinatanong n’yo.”
Matagal na magkakasama sina Alex at Kean sa Inday Bote kaya posibleng muling mabuksan at mag-init ang kanilang damdamin.
Na-preview na raw ng ABS-CBN management ang Inday Bote at pasado kaya handang-handa na itong umere sa Marso 16 (Lunes) kapalit ng Bagito.