Tatlong bangkay na pawang mga lalaki, na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang natagpuang nakalutang sa Ilog Pasig sa likuran ng tanggapan ng Philippine Postal Corporation sa Lawton sa Maynila kahapon ng madaling araw.

Nakasilid ang bawat bangkay sa garbage bag, nakabalot ang mga mukha ng masking tape, nakabusal ang mga bibig at nakabigti ng alambre ang mga leeg.

Nakatali rin ang mga kamay at paa ng mga biktima at naka-fetal position ang mga katawan.

Isa sa mga biktima ay inilarawang nakasuot ng pulang short at puting T-shirt, ang isa ay nakaputing T-shirt at maong short at ang ikatlo ay nakasuot ng dark blue na T-shirt at gray na short.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Batay sa ulat ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong 1:00 ng madaling araw nang matagpuan ng tinderong si Noel Baldoz ang mga bangkay.

Natutulog umano si Baldoz sa kanyang tindahan nang magising siya sa tahol ng mga aso.

Nang tingnan niya kung ano ang tinatahulan ng mga aso ay nakita niya ang isang kulay puting van na may lulan na mga lalaki at pagkatapos ay bumaba at may itinapon sa ilog.

Nang lumiwanag ay saka pa lamang natukoy ni Baldoz na mga bangkay pala ng mga lalaki ang itinapon sa ilog kaya agad niyang ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.

Kamakailan, dalawang bangkay din ng hindi pa rin nakikilalang mga lalaki ang nakitang lumulutang sa lugar habang may isa pang bangkay na nakitang sunog sa R-10 sa Tondo, Manila kaya sa kabuuan ay anim na bangkay na ng mga lalaki ang natagpuan sa lungsod nitong linggo lamang.