Dalawang lalaki na umano’y magnanakaw ng panabong na manok ang sinalvage ng hindi pa nakikilalang salarin at itinapon sa isang bakanteng lote sa Caloocan City, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng kanilang mga kaanak ang mga biktimang sina Alberto Tabjan, 21, binata, ng Phase 5A Package 1, Barangay 176, Bagong Silang; at Eugene Mateo, 18, ng No. 654 Doña Aurora, Barrio Concepcion, Tala, Caloocan City.
Ayon sa report, dakong 7:00 ng umaga nang makita ng mga residente ang bangkay ng mga biktima sa bakanteng lote ng Congressional Model Givenchy Street sa Barangay 175 sa Camarin.
May mga marka pa ng bigti sa leeg ng mga biktima at kapwa may duct tape sa bibig.
Nabatid na tirador umano ng mga panabong ang dalawa at sila ang pinagbibintangan sa pagkawala ng mga tandang sa Camarin.
May patay din na panabong sa tabi ng mga biktima nang sila ay matagpuan.
Hindi na magsasampa ng kaso ang mga kaanak nina Tabjan at Mateo.