Sisimulan ngayon ni Patrick John Tierro ang kampanya ng bansa upang muling makabalik sa Group I sa pagbitbit nito sa Cebuana Lhuillier-Pilipinas kontra sa umaangat na Sri Lanka sa unang round ng Asia/Oceania Group Two tie sa Valle Verde Country Club sa Pasig City.

Inangkin ni Tierro, siyang No. 1 sa Pilipinas, ang karangalan na unang makapaglaro matapos na mapili ang kanyang pangalan ni Valle Verde sports director Richie Lozada sa tradisyunal na drawing of lots upang makasagupa ang No. 2 ng Sri Lanka na si Harshanna Godamanna. Magtatagpo sila sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

Agad nakatuon sa paghihiganti si Tierro kontra kay Godamanna matapos na malasap ang nakapanghihinang 3-6, 7-6 (8), 6-4, 2-6, 3-6 kabiguan subalit muling nakabangon ng itala nito ang 3-1 panalo kontra sa Sri Lankans sa kanilang paghaharap noong nakaraang taon sa Colombo.

“Malaki na po ang ipinagbago ng aking laro at maging sa aking sarili kontra sa huli naming paghaharap. Mas mataas na ang kumpiyansa ko ngayon,” sinabi ni Tierro.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sasagupain naman ng Fil-Am na si Ruben Gonzalez, matapos ang unang laro, ang No. 1 at 19-anyos na si Sharmal Dissanayake sa ikalawang singles.

Magtatambal naman ang world-ranked na si Treat Conrad Huey at ang Pepperdine University standout na si Francis Casey Alcantara sa doubles kontra kina Dineshkanthan Thangarajah at Sankha Atukorale sa ganap na alas-3:00 ng hapon sa krusyal na laban bukas.

Isasagawa ang reverse singles, kung kakailanganin, sa Linggo ng hapon kung saan ay makatatapat naman ni Gonzales si Godamanna habang sasagupain ni Tierro si Dissanayake.

Bitbit ng mga Pinoy ang bentahe na muling biguin ang Sri Lankans na nakuha nilang talunin sa loob ng walong sunod sa kanilang paghaharap bagamat ayaw magkumpiyansa ni non-playing team captain Roland Kraut na umaasang magiging mahirap ang labanan.

“Yes, we want to win over Sri Lanka and take that first step towards making back Group I for the first time since 2011. But I don’t think its going to be easy,” sabi ni Kraut.

Ipinaliwanag ni Kraut na pinakamalakas ngayon ang PH Davis Cup Team kung saan si Huey ay galing lamang sa solidong paglalaro para sa Manila Mavericks sa International Premier Tennis League noong 2014 habang nagawa ring magwagi ni Tierro na nasa Top 700 sa singles sa isang satellite event sa Mexico.

“This is a talented team, anyone can play singles and doubles,” pahayag nito.

Magsisilbi naman si David Smith ng New Zealand bilang head ITF referee.