Makalipas ang tatlong taon, ibinabalik ng PBA ang Rookies vs. Sophomores game na gaganapin ngayon bilang bahagi ng 2015 PBA All Star Weekend sa Puerto Princesa Coliseum sa Palawan.
Pinalitan ng Veterans vs. Rookies, Sophomores vs. Juniors noong 2012 at ng PBA All Star Selection vs. Gilas Pilipinas sa nakalipas na dalawang taon, idaraos muli ang Rookies vs. Sophomores ngayong All Star Friday sa ganap na alas-7:00 ng gabi.
Nakalinya para sa Rookies squad sina Stanley Pringle at Anthony Semerad ng Globalport, Kevin Alas at Matt Rosser ng Talk ‘N Text, Ronald Pascual ng San Miguel Beer, Chris Banchero ng Alaska, Jake Pascual ng Barako Bull, at Brian Heruela ng Blackwater.
Makakasama sana sa koponan si Kia playing coach Manny Pacquiao ngunit umalis na ito patungong US upang paghandaan ang laban nito kay Floyd Mayweather Jr. Kabilang naman sa Sophomore team sina Raymond Almazan ng Rain or Shine, Justine Melton ng Purefoods, Terrence Romeo ng Globalport, RR Garcia ng Barako Bull, LA Revilla ng Kia, Jeric Fortuna ng San Miguel Beer, Alex Nuyles ng Blackwater at Eric Camson ng NLEX.
Bago ang laban, ipagtatanggol naman nina Melton, Rey Guevarra, Mark Macapagal at Mark Barroca ang kanilang titulo sa All- Star side events na magsisimula sa ganap na alas-4:00 ng hapon.
Sina Melton at Guevarra ang tinanghal na co-slam dunk champion noong nakaraang taon sa MOA Arena kung saan ay muli nilang ipagtatanggol ang kanilang titulo kontra sa iba pang league slammers na gaya nina Japeth Aguilar ng Ginebra, Rosser, JC Intal ng Energy Cola at Calvin Abueva.
Makakalaban naman ni Macapagal sa 3-point shootout king sina James Yap, LA Tenorio ng Ginebra, Arwind Santos ng San Miguel Beer, KG Canaleta ng NLEX, Chris Tiu ng Rain or Shine at ang nagretirong si Jimmy Alapag ng Talk ‘N Text.
Samantala, makakasagupa naman ni Barroca sa Obstacle Challenge sina dating champion Jonas Villanueva ng NLEX, Garcia, Heruela, Tenorio, Banchero, Pringle, Fortuna, Revilla, Simon Atkins at Jayson Castro ng Talk ‘N Text.